ni Isagani R. Cruz
Ang pamagat ng aking panayam ay “Kung Sino ang Kumatha kay Virgilio S. Almario.” Ito ay isang imbestigasyon sa panitikan ng kritisismo.
Alam natin kung sino si Fernando Bagongbanta. Siya ang ladino o makatang bilingguwal na kumatha sa romance na nasa bungad ng librong Memorial de la vida cristiana en lengua de tagala (1605) ni Fray Francisco de San Jose [42].
Alam din natin kung sino si Pedro Suarez Ossorio. Siya ang kumatha ng dalit na pinamagatang “Salamat nang ualang hoyang” na naging introduksyon ng librong Explicacion de la doctrina christiana en lengua tagala (1628) ni Fray Alonso de Santa Ana [36, 87].
Alam din natin kung sino si Fray Pedro de Herrera. Siya ang kumatha sa mga dalit na nasa dulo ng kanyang librong Meditaciones, cun manga mahal na pagninilay na sadia sa Santong pag Eexercicios (1645) [35, 77, 107, 127].
Alam din natin kung sino si Gaspar Aquino de Belen. Siya ang kumatha sa Ang Mahal na Passion ni Jesu Christong P[anginoon] Natin na Tola (1703) [38, 79].
At hindi na kailangan pang sabihin na alam nating lahat kung sino si Balagtas. Siya ang kumatha sa Florante at Laura.
Ayon kay Almario, panahon na para alamin naman natin hindi lang kung ano ang kinatha ng mga ito, kundi kung sino ang kumatha mismo sa kanila. Ang pamagat nga ng librong inilulunsad natin ngayon ay “Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas, atbp.”
Ayon kay Almario, ang kumatha kay Bagongbanta ay si Fray Francisco de San Jose “bilang bahagi ng paggigiit sa nagaganap na transplantasyon ng kulturang Kristiyano at Kanluranin sa lahat ng pook na sakop ng mga Espanyol sa kapuluan” [43, 49-50].
Ang kumatha naman kay Ossorio ay ang pinapupurihang niyang si Fray Alonso de Santa Ana, dahil ang pamumuri ni Ossorio ay “maaaring ituring na bakas ng kodigong erminyutiko sa pagbasa ng Banal na Kasulatan at siyang pinairal sa pagbasa ng literatura sa panahon ng kolonyalismong Espanyol sa Filipinas” [36, 88].
Ang kumatha kay Herrera ay si Fray Gaspar de San Agustin, na siyang gumamit sa librong Compendio de la lengua tagala (1703) ng mga tula ni Herrera bilang halimbawa ng dalit na ayon kay San Agustin ay “isa … sa dalawang pangunahing genero ng pagtula noong panahon niya” [21, 35].
Ang kumatha kay Aquino de Belen ay walang iba kundi si Bienvenido Lumbera, na siyang pumatnubay kay Almario sa kanyang pagbabalik sa mga teksto sa panahon ng Kastila. “Napalalim ni Lumbera,” ani Almario, “ang pagsusuri ng text ng panitikang Tagalog sa panahon ng kolonyalismo Espanyol dahil hinanap niya’t
binalikan ang mga tekstong binanggit nina Balmaseda” [xxi].
At sino naman ang kumatha kay Balagtas? Walang iba kundi si Rizal. Ani Almario, “Ang makapangyarihang pagbasa ni Rizal ang bukal ng pagdakila ngayon kay Balagtas” [ix]. Idinagdag ni Almario si Hermenegildo Cruz, na siyang sumulat ng pag-aaral na pinamagatang “Kun Sino ang Kumatha ng ‘Florante’” (1906) [163].
Ngayong alam na natin hindi lamang kung ano ang kinatha nina Bagongbanta atbp. at ngayong ipinaalam na sa atin ni Almario kung sino ang kumatha kina Bagongbanta atbp. ay panahon na para alamin naman natin kung sino ang kumatha kay Virgilio S. Almario.
Alam na natin na si Virgilio S. Almario ang kumatha sa mga libro ng kritika na pinamagatang Ang Makata sa Panahon ng Makina, Balagtasismo Versus Modernismo, at Taludtod at Talinghaga. Siya rin ang kumatha sa mga antolohiyang Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino, Mga Piling Tula ni Jose Corazon de Jesus, Turtle Voices in Uncertain Weather ni Alfrredo Navarro Salanga, Ang Pangginggera at mga Piling Tula ni Lope K. Santos, at Parikala: Mga Bagong Tula, Mga Bagong Makata, at sa salin ng Ang Himagsikang Pilipino ni Teodoro M. Kalaw, bukod pa sa tinulungan niyang ikathang mga antolohiyang Galian at Antolohiya ng mga Nagwaging Akda sa Dekada 80.
Sa sagisag-panulat na Rio Alma ay siya ang kumatha sa mga tulang napapaloob sa Makinasyon, Peregrinasyon, Doktrinang Anakpawis, Mga Retrato at Rekwerdo, Palipad-Hangin, (A)lamat at (H)istorya, Katon para sa Limang Pandama, Mga Retaso ng Liwanag at Selected Poems.
Bukod pa rito ang di mabilang niyang kolum, sanaysay, at aklat pambata bilang mamamahayag, patnugot, pabliser, at kuwentista.
Pansinin natin ang kanyang mga librong pangkritika. Sino ang kumatha sa kumatha ng Ang Makata sa Panahon ng Makina, Balagtasismo Versus Modernismo, Taludtod at Talinghaga at Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas, atbp.? Sa madaling salita’y sino ang kumatha sa kritikong si Virgilio S. Almario?
Sa aking palagay, kaya tayo naniniwala sa mga ipinapahayag niya bilang kritiko ay dahil napatutunayan niya bilang makata na alam niya ang pasikut-sikot ng malikhaing panulat. Ipinakikita niya na hindi galing sa labas ng panitikan ang kanyang kaalaman, kundi galing sa loob, sa loob ng panitikan, sa kalooban niya bilang manunulat. Ang awtoridad niya ay galing sa pagka-awtor.
Sa ibang salita, kaya natin binabasa ang Makata, Balagtasismo, Taludtod, at ngayo’y Kung Sino ang Kumatha ay dahil nabasa na natin ang Makinasyon, Peregrinasyon, Doktrina, Retrato, Palipad-Hangin, (A)lamat, Katon, Retaso at Selected Poems.
Sa madaling salita, ang kumatha kay Virgilio S. Almario ay si Rio Alma. Sagisag-panulat lamang ni Rio Alma si Virgilio S. Almario. Dahil kay Rio Alma ay pangunahing kritiko natin ngayon si Almario. Kung wala si Rio Alma ay wala rin si Almario.
Kung hindi kayo naniniwala, at lalung-lalo na kung naniniwala kayo ay imbestigahan ninyo ang kritisismo ni Almario at ang panitikan ni Rio Alma. Basahin ninyo ang librong inilulunsad natin ngayon, at sigurado akong pagkatapos ninyong basahin ito’y hindi na ninyo kailangan pang tanungin kung sino ang kumatha kay Virgilio S. Almario.
English
Filipino