(Talumpati para sa kumperensiyang Ambagan, 5 Marso 2009, Pulungang Recto, Faculty Center, UP Diliman)
ni Virgilio S. Almario
(TSIKA: Ang ating kumperensiya ngayon ay isang patunay na maraming mahalagang gawain tayong nakakalimutan para sa Wikang Pambansa. Sinasabi sa Seksiyong 6, Artikulo XIV ng Konstitusyong 1987 na: “Ang pambansang wika ng Filipinas ay Filipino. Habang ito ay nabubuo, patuloy itong pauunlarin batay sa mga umiiral na wika sa Filipinas at iba pang wika.” Ano ang ginagawa natin para paunlarin ang ating wika? Kung pagbabatayan ang Sawikaan ng FIT nitong nakaraang limang taon, puro Ingles at imbentong wika ng bakla ang pumapasok ngayon sa ating kamalayan. Idiniin ng Konstitusyon ang pagpapayaman sa pamamagitan ng “mga umiiral na wika sa Filipinas”—na palagay ko’y nangangahulugang ang mga katutubong wika ng ating bansa—ngunit mukhang ipinababahala natin sa Diyos ang tungkuling ito. Na hindi mangyayari. Kaya’t napakahalaga ng Ambagan upang magising tayo sa malaking hamon sa atin ng Konstitusyon at siya namang dapat gawin upang higit na maging totoong “pambansa” ang ating wika. “Pambansa” sapagkat kumukuha ng lakas sa mga katutubong wika ng bansa.)
ISANG MAHALAGANG GAWAIN para sa Wikang Pambansa ang pagbuo mismo ng kasaysayan nito. Hanggang ngayon, wala tayong mapagkakatiwalaang kasaysayan hinggil sa naging saligan ng simula at mga mohon ng pag-unlad ng Filipino. Kaya walang sanggunian ang mga guro’t estudyante kahit halimbawa sa pagkakaiba ng Pilipino at Filipino. Wala ring maibigay na wastong paliwanag hinggil sa pagpili ng Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. At lalo, walang magamit upang ipagtanggol ang Filipino sa mga kaaway ng Wikang Pambansa.
Kapag tinanong ngayon ang isang ordinaryong guro: Sino ang mga arkitekto ng Wikang Pambansa? Baka walang maisagot kung hindi si Lope K. Santos. O si Pangulong Manuel L. Quezon. Iyon lamang.
Ngayon, nais kong ipanukala na kailangang gumawa tayo ng bantayog ng mga bayani ng wika, isang bantayog upang parangalan ang mga tao na nag-alay ng panahon at talino para sa pagkilala at pagpapalaganap ng Wikang Pambansa. Bilang panimula, nais kong ipasok ang sumusunod na pangalan:
Felipe R. Jose
Wenceslao Q. Vinzons
Tomas Confesor
Hermenegildo Villanueva
Norberto Romualdez
Sino ang mga ito? May iisa silang katangian, mga delegado sila sa 1934 Kumbensiyong Konstitusyonal. Ngunit bakit nagsisimula ako sa 1934 Kumbensiyong Konstitusyonal? Sapagkat sa 1934 Kumbensiyong Konstitusyonal opisyal na ipinanganak ang hakang Wikang Pambansa batay sa isang wikang katutubo ng Filipinas at ang mga pangalang inilista ko ay lima lamang sa mga bayaning nagpanukala, nagtanggol, at nagtrabaho alang-alang sa mithiing ito. May iba pa, at mababanggit ko sa aking talakay, ngunit nais kong mag-umpisa sa lima. Sa pamamagitan nila lilinaw kung bakit ganito ang Seksiyong 3, Artikulo XIII sa 1935 Konstitusyon:
The National Assembly shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.
Bago pa ang kumbensiyon ay isang mainit nang paksa ang wikang pambansa kaugnay ng wika ng edukasyon. Mahigit 30 taon na noon ang isang sistema ng edukasyong pinairal ng mga Amerikano at Ingles lamang ang ginagamit sa pagtuturo. Ang bagay na ito ay pinuna ng maraming edukador, lingguwista, manunulat, at politikong Filipino, Amerikano, at Europeo, gaya sa komprehensibong pag-aaral ni Najeeb Mitry Saleeby na The Language of Education of the Philippine Islands (1924) ngunit mainit na tinalakay sa unang pagkakataon sa bulwagan ng kumbensiyon.
Nagsimula ang isyu noong umaga ng 16 Agosto 1934 nang magdiskurso si delegado Felipe R. Jose. Nagulat ang lahat ng ibungad ni Jose na: “Antes de comenzar, yo quisiera anunciar a la Mesa que el discurso preparado por mi no está en inglés, ni en castellano; está en tagalo.” Nagulat ang lahat sapagkat Espanyol at Ingles lamang ang mga opisyal na wika sa kumbensiyon, gaya ng pangyayaring isa sa kalipikasyon ng mga kumandidatong delegado ang kaalaman sa Ingles at Espanyol. Kapag binasa ang record ng kumbensiyon ay mapapatunayang gumagamit ng Ingles at Espanyol si Jose sa mga sesyon. Ngunit sa kaniyang privilege speech noong 16 Agosto 1934 ay ginamit niya ang Tagalog at narinig ang Tagalog sa unang pagkakataon sa bulwagan. Hindi lamang iyon. Wika pa niya:
Kailangan natin ngayong ipakilala sa daigdig na tayo’y hindi na ang mga mamamayan sa silong ng Bandila ng Espanya, sa lilim ng Bandilang Amerika. Kailangan natin na ngayon pa’y mahalin ang kalayaan at kaluluwa ng bayan—ang wikang sarili. Kaya lamang tayo maging marapat sa kalayaan ay kung maipagsasanggalang natin ang banal na kaluluwa ng bayan, ang wikang sarili. Sapagka’t ang wika, ang wika ng alin mang bansa sa sangsinukob ay siyang ginagamit na mabisang kasangkapan sa pagpapahayag ng kanilang damdamin, sa pagtuklas ng karunungan at pagtatanggol ng mga karapatan.
At usig pa niya sa mga kapuwa delegado:
Ano’t mamatamisin natin ang wika ng iba kaysa wika natin? Maaari Bagang maging dakila pa ang wikang Ingles at Kastila sa wikang Pilipino? Masarap pa baga sa atin ang salita ng panginoon kaysa ng bayang handa nang magsarili? Ang kastila o Ingles ay maaari lamang tanggaping maging wika ng pamahalaan habang tayo’y alipin at walang laya. Sinasabi ko, G. Pangulo, na ang kusang pagpapaalipin sa kaluluwa ng lahi ay isinusumpa ng kasaysayan at pinandidirihan tulad ng isang taong may sakit na nakahahawa.
Iyon ang hudyat ng dibdibang diskusyon para magkaroon ng wikang pambansa. At nakatutuwa na ang Unang Sigaw sa kumbensiyon ay binalikat ng isang di-Tagalog. Si Felipe R. Jose ay isa sa 12 delegado ng Mountain Province at ayon sa record, may edad noong 46 taon, pagiging optometrist at manunulat ang propesyon at isang labor leader.
Ang una siyempreng tumindig para usisain si Jose ay isang abogadong politiko mulang Cebu, si Nicolas Rafols, nagsalita sa Espanyol at nanghingi ng salin ng diskurso ni Jose “al castellano, al ingles, o al visaya.” Sinagot ito ni Jose at sinabihang kinabukasan din ay makakakuha ng salin sa Espanyol sa Sekretaryat. Sinundan pa ito ng ibang diskurso sa ibang mga sesyon. Naglaban ang mga panukalang gamitin ang Ingles, o Espanyol, o katutubong wika bilang Wikang Pambansa. Sa gayon, nagtayo ng Committee on Official Language upang duminig sa kaso. Nag-ulat ang Lupon noong 28 Setyembre 1934 at bahagi nito ang mga dokumento ng mga panukalang pangwika. Isa dito ang artikulo ni Wenceslao Q. Vinzons na nagpapanukala ng Tagalog bilang Pambansang Wika ng Komonwelt at ng pansamantalang gamit ng Ingles bilang isang opisyal na wika. Si Vinzons ang pinakabatang delegado sa Kumbensiyon, 24 taon, abogado, at isa sa dalawang kinatawan ng Camarines Norte. Magiging aktibo si Vinzons sa mga sumunod na sesyon upang ipagtanggol ang kaniyang panukala. Gayunman, nang sumulpot ang mga panukalang tutol sa Tagalog, si Vinzons din ang nagpanukala noong sesyon ng 25 Enero 1935 sa amendment na pinagtibay kinabukasan, 26 Enero 1935, at naging Seksiyon 3, Artikulo XIII ng 1935 Konstitusyon.
Dalawa pang aktibong tagapagtanggol ng Tagalog bilang Wikang Pambansa sina Hermenegildo Villanueva at Tomas Confesor. Si Villanueva ay delegado ng Negros Oriental, nakalistang farmer ang propesyon, at naglingkod na bilang gobernador ng Negros Oriental at bilang miyembro ng House of Representatives at ng Philippine Senate. Si Confesor ay delegado ng Iloilo, negosyante at edukador, at dating miyembro ng House of Representatives, director ng Bureau of Commerce and Industry, at dekano ng College of Business Administration ng University of Manila.
May mga sesyon na sila ang kinukulit ng mga anti-Tagalog dahil sa kanilang paninindigan. Minsan, inuyam ni Juan Bocar ng Samar si Confesor at inusisa kung kaya nitong sabihan ang mga Ilonggo na kalimutan ang Ilonggo at magsalita ng Tagalog. Sagot ni Confesor:
No, that is wrong. For the last thirty years we have been teaching the English language to our young people in the public schools, yet they have not forgotten the Visayan, the Tagalog, the Ilocano and the Bicol dialects and other dialects. We should teach Tagalog, but we must not forget the Visayan and Ilocano dialects.
Inusig naman siya ni Gaudencio Cloribel ng Bohol na: “The Genteleman from Iloilo is supporting the Tagalog dialect, so will he please use that dialect in his supporting speech?” Malinaw ang sagot ni Confesor:
It is for that reason that I am supporting Tagalog to become one of the official languages, to be taught to our children as English is being taught now. If Tagalog were to be taught in all schools of the Philippines, within five years Tagalog would be spoken all over the country. I would prefer to have Tagalog taught in all our schools, if I have to make a choice between English and Tagalog. Again, if I were made to choose between Tagalog and Spanish, I would choose Tagalog. And if I were to choose Between Visayan, Ilocano, so on, I would top them all with Tagalog.
Sa isang diskurso noong 25 Enero 1935, idiniin naman ni Villanueva na kailangang talikdan ang kaisipang rehiyonalista para sa kapakanang pambansa. Wika niya:
Yo naci en las agrestes montañas de Negros, en el mismo corazon de la region bisaya, pero quiero supeditar mi amor propio de bisayo y quiero, por encima de ese amor, desde el principio, poner aquello que pertenece a nuestro pais. Se me dirá; cual va a ser el lenguaje official? Yo no tengo miedo de decir y de sostener, porque vengo aquí para sostener mi conviccion propia y un deber de patriotismo. Se me preguntará cual debe ser ese lenguaje, y yo digo sencilla y claramente que debe ser el tagalo.
At pinutol ng masigabong palakpakan ang kaniyang talumpati. Saka niya ipinaliwanag kung bakit nakahihigit ang Tagalog sa ibang wikang katutubo.
May iba pang tagapagtanggol ng Wikang Pambansa sa kumbensiyon. Nangungunang tinig sina Eugenio Baltao ng Nueva Ecija at Rafael Palma ng Maynila. Binigyang-diin ko lamang ngayon ang tinig nina Jose, Vinzons, Confesor, at Villanueva upang itanghal ang katotohanan na hindi nagmula sa mga Tagalog ang kampanya upang gamiting batayan ng Wikang Pambansa ang Tagalog. Sa halip noon pa’y ipinamalas nina Jose, Vinzons, Confesor, at Villanueva ang pagtataglay ng tunay na kaisipang Filipino upang madama ang halaga ng gayong panukala. Sa kabilang dako, sa kumbensiyon din lumitaw ang mga pusakal na kontra-Wikang Pambansa na gaya nina Rafols, Manuel Briones at Vicente Sotto ng Cebu, Demetrio Quirino ng Nueva Vizcaya, at Camilo Osias at Enrique Sobrepeña ng La Union. Mapapansin na nagsimula ang mga ito sa pagtangkilik ng Ingles bilang wikang opisyal at pambansa. Ngunit nang mahalatang hindi maaaring ilaban ang Ingles sa umiiral na sentimiyentong makabansa ng mga delegado ay nagbago sila ng taktika. Iniwan ang Ingles at nanindigan naman sila para sa mga wikang katutubo. Si Osias ang isa sa masugid na umusig kina Confesor at Villanueva dahil sa kaniyang tindig para sa Ingles upang pagkaraan ay maging tagapagtaguyod ng ibang mga wikang katutubo. Nagtagumpay sina Osias at Sotto sa paggigiit ng Ilokano o Bisaya. Nagulo ang isip ng mga delegadong para sa Wikang Pambansa kaya sa dulo ng halalan para sa Wikang Pambansa ay nagwagi ang kompromisong panukala ni Vinzons.
Ibig kong idagdag pa sa aking bantayog ng mga unang bayani ng wika si Norberto Romualdez ng Leyte. Si Romualdez ay isang dating mahistrado sa Korte Suprema, miyembro ng National Assembly, iginagalang na pilolohista. Hindi siya gaanong aktibo sa mga sesyon ng kumbensiyon hinggil sa wika. Ngunit nakatakdang maglingkod para sa isang napakahalagang gawaing pangwika. Pagkaraan ng kumbensiyon, siya ang bumuo sa batas upang isagawa ang tadhana ng 1935 Konstitusyon. Natapos niya at pinagtibay ng National Assembly noong 28 Oktubre 1926 ang panukalang pinirmahan bilang Commonwelt Act No. 184 noong 13 Nobyembre 1936. Ito ang tinatawag ngayong National Language Law na nagtatag sa National Language Institute (NLI) at nagtakda ng mga hakbang tungo sa pagbuo ng Wikang Pambansa. Siya rin ang nakipag-usap sa kaniyang kaibigan at kapuwa Waray na si Jaime C. Veyra upang maging unang tagapangulo ng NLI nang buksan ito noong 12 Enero 1937. Pagkatapos ng 10 buwan, noong 9 Nobyembre 1937, inirekomenda ng NLI ang Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. Noong 30 Disyembre 1937, pinirmahan ni Quezon ang Executive Order No. 134 na nagpuproklama sa “isang wikang pambansa batay sa diyalektong Tagalog bilang wikang pambansa ng Filipinas.”
Napakabilis ng naturang mga pangyayari. May mga nagulat kung bakit ganoon kabilis ang lahat at lalo na’y nagtaka kung bakit walang naganap na maiingay na protesta gaya ng kanilang inaasahang gagawin ng mga maka-Ingles at lider ng ibang wikang rehiyonal. Maraming nagmamasid sa isyung pangwika ang naghakang bunga ito ng malakas na liderato ni Quezon. Ngunit ngayon ay maaaring sabihin na higit na bunga ito ng pagkilala sa magiting na espiritu ni Norberto Romualdez na buong sipag na isinulong ang naging Commonwealth Act No. 184 sa kongreso. Hindi rin mapag-aalinlanganan ang kaalaman ni Romualdez sa larangang pangwika gaya ng ipinakita niya sa mga pag-aaral niya sa wika at kulturang Filipino at lalo na’y sa masinop na pagbalangkas sa Commonwealth Act No. 184. Batid din ng lahat na lider siya ng isang pangkat na tumatangkilik sa pagsulong ng wika at kulturang Waray ngunit inigpawan niya ito at higit na minahalaga ang pakikiisa para sa isang Wikang Pambansa. Dapat ding idagdag na si Jaime C. Veyra ay kasama ni Romualdez sa samahang Waray at nakaupo ito noong tagapangulo ng kagawaran sa Espanyol sa Unibersidad ng Pilipinas. Gayunman, tulad ni Romualdez, pinili ni Veyra na maglingkod para sa Wikang Pambansa at hindi naging sagwil ang interes sa Waray upang kilalanin ang Tagalog bilang higit na karapat-dapat na batayan ng Wikang Pambansa.
May dalawang malaking tungkulin ang ganitong pagbabalik sa kasaysayan ng Wikang Pambansa. Una, lumilinaw na baluktot at binaluktot ang linyang ikinakalat ng mga pusakal na kaaway ng wika. Bukod sa walang pruweba, mahirap nilang patunayan ang haka-haka na “niluto” lamang ni Quezon ang pagdedeklara sa Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. Ikalawa, at kaugnay nito, ang espiritu ng pagbuo sa isang Wikang Pambansa batay sa isang wikang katutubo ay isang makabansang espiritu na isinulong ng mga bayani ng wika mula sa iba’t ibang rehiyon at nagtuturo sa atin ngayon na ang pagbuo sa Wikang Pambansa ay isang sama-sama at tulong-tulong na gawain ng mga tao na kailangang umigpaw sa kanilang pansariling interes at kailangang magkaroon ng pananaw na lalagpas sa kanilang rehiyonalistang tungkulin alang-alang sa pagsibol ng totoong diwang Filipino. Kailangan natin ang marami pang Jose, Vinzons, Confesor, Villanueva, Romualdez, at de Veyra upang maging huwaran at bayani ng mamamayang Filipino.
Ferndale Homes
26 Pebrero 2009
English
Filipino
,aNg gLiNg nYa! sNa gNuN lHat nG fiLiPinO,,!
Sir;saludo k sa inyo ang galing nyo po marapat lang po kayo ay parangalan sa ginagawa nyo para mapaunlad ang ating pambansang wika;SALUDO ang PILIPINO’;.