Translate:English EnglishFilipino Filipino

Kultura ng Kagitingan

July 2, 2009 | Lectures

(Talumpati para sa pagtanggap ng doktoradong honoris causa sa University of Regina Carmeli, Lungsod Malolos, 22 Marso 2009)

ni Virgilio S. Almario

ISANG PABORITO KONG parabula ang mula sa matandang Mathnawi na sinulat ni Rumi (AD 1207-73) at itinuturing na tila Koran ng mga Persa. Ganito ang nabása kong salin sa Ingles:

Isang gramatiko ang sumakay ng bangka. Sapagkat palalo, bumaling siya sa bangkero at nagwika, “Nakapag-aral ka ba ng gramatika?” “Hindi po,” sagot ng bangkero. Wika ng una, “Kalahati ng buhay mo ang nawala.”

Nabiyak ang puso ng bangkero sa lumbay, ngunit nagpigil sa pagsagot.

Tinangay ng hangin ang bangka sa isang uliuli. Sigaw ng bangkero sa gramatiko, “Magsabi ka ng totoo, marunong ka bang lumangoy?” “Hindi,” sagot ng gramatiko, “O, mahinahon, makisig na ginoo!”

“Ay, gramatiko,” wika ng bangkero, “Buong buhay mo ang mawawala, dahil lulubog ang bangka sa uliuling ito.”1

Nakarating sa Filipinas noong panahon ng pananakop na Espanyol ang kuwentong ito. Patunay ang tatlong bersiyong kasáma sa dalawang magkahiwalay na antolohiya ng awiting-bayan nina Felixberto C. Sta. Maria2 at Damiana Eugenio.3 Dalawa sa mga bersiyon ang Tagalog at isa ang Kapampangan. Higit na maikli at narito ang isang bersiyong Tagalog na pinamagatang “Ang Batsilyer”:

May isang batsilyer na sakdal ng alam
Galing sa klase umuwi ng bahay
Di kaginsa-ginsa mayroong naraanan
Ang talagang nasa, ang talagang nasa siya’y makisakay.

Nang siya’y nakasakay binuksan ang libro
At kanyang tinanong ang abang bangkero
Mula nga sa laot, hanggang sa ibayo
Turan mo kung ilan, turan mo kung ilan ang signos ng tao.

Sagot ng bangkero di ako bihasa
Palibhasa’y ako sa pagkaiskudya
Mula kabataan walang nakilala
Kundi pawang tubig at dagat, ilog, sapa, at mga lawa.

Wika ng bangkero sa batsilyer naman
Iyong sagutin ang tanong kong alam
Mula nga sa laot,hanggang sa katihan
Turan mo kung ilan, turan mo kung ilan ang kampay ng sagwan.

Ang abang batsilyer ay di nakakibo
At kaniyang nakagat dulong hintuturo
Mula’t mula ngayon di ako bibiro
Sayang ang dunong ko, sayang ang dunong ko di ko naitago.

Kaya’t ang bilin ko sa sino ma’t alin
Ang kaunting dunong huwag ipagmamagaling
Kung makatagpo ka ng matalim-talim
Magpaparang suka, magpaparang sukang lumipas ang asim.

Ang orihinal na parabula mula sa Mathnawi ay malinaw na isang pangaral hinggil sa halaga ng kababaang-loob at laban sa pagmamataas. Isa itong aral na paboritong isermon ng mga fraile. Sa nabasa kong halimbawa ng mga katutubong panitikang-bayan na tinipon ng mga unang misyonero ay kapansin-pansin ang ulit-ulit na paglitaw sa naturang halagahan (values). Ganito ang diwa ng sumusunod na dalít:

Houag cang mag-lingong licod,
dito sa bayang maropoc
parang palaso at tonod
sa lupa rin mahoholog.

At kung tutuusin ay huwaran ng higit na popular ngayong salawikain na:

Kung ano’ng taas ng lipad
Siyang lagapak pagbagsak.

Ang pangyayaring ito ang tiyak na dahilan kung bakit ginamit nila ang kuwento ni Rumi sa pangangaral ng Kristiyanismo sa Filipinas. Marahil pa, malimit ikuwento ng mga fraile sa mga Filipino ang parabula mula sa Mathnawi kayâ nagkaroon ng iba’t ibang bersiyon.

Gayunman, malinaw na isang exemplum ang kuwento upang hatakin pababâ sa lupa ang tao at upang matutong magtimpi sa halip na ipagmalaki ang karunungan. Hindi ganito ang tunggalian sa mga bersiyon ng popular na awiting-bayan. Sa aking siniping bersiyong patula ng mga Tagalog ay para lámang pataasan ng ihi ang naganap na paligsahan ng batsilyer at ng bangkero. Ang tanong ng batsilyer ay isang tanong na hindi masasagot at wala saanmang aklat. Ang sagot at kontra-tanong ng bangkero ay may gayunding katangian. Sino ba naman ang maaaring bumilang sa mga kapalaran ng tao? Sa bersiyong Pampanggo, ang tanong ng batsilyer ay

Ding Angeles banua pilan latang Coruz
Ding Santos at Santas pilan nomang tapuc.

Na lalong isang kahambugan sapagkat sino ba naman ang nakaaalam kung ilan ang koro ng mga anghel sa Langit at kung ilan ang pangkat ng mga santo at santa? Sa kabilâng dako, ang sagot at ganting-tanong ng bangkero ay isa ring pagyayabang. Parang sinasabi ng bangkero na bago ko sagutin ang tanong mo ay ibigay mo rin sa akin ang bilang ng aking paggaod mula sa isang pampang hanggang sa ibayo. Sa bersiyong Pampanggo, ipinabibilang din ng bangkero kung ilang libong bulâ ang lumalabas pag-alimbukay ng tubig sa sagwan. Kung ang tanong ko, wika ng bangkero, ay hindi masagot ng edukadong tulad mo ay paanong masasagot ng isang mangmang na tulad ko ang tanong mo?

Sa sitwasyon ng mga awiting-bayan, nauna lámang nagpamalas ng yabang ang batsilyer kayâ natálo. Hindi naman masasabing mapagkumbabá ang bangkero na siyang nangaral sa dulo ng awiting-bayan na huwag maging palalo dahil bakâ mapahiya kapag nakatagpo ng kasukat sa kayabangan. Sa isang bersiyong Tagalog, ganito ang kongklusyon ng tagapagsalaysay:

Kaya ang sabi ko sa sino ma’t alin
Na may karunungan, itago’t ilihim;
Kung makatagpo ka ng matalim-talim
Para kang nahulog sa balong malalim.

At sa bersiyong Pampanggo, inungkat pa ang kaso ni Luzufer (Lucifer) na noon daw ay liwanag na maningning sa langit. Ngunit naging lubhang palalo ang Prinsipe ng Liwanag kayâ nahulog sa apoy ng Impiyerno.

Nawawala sa mga bersiyon ng awiting-bayan ang orihinal na aral pang-edukasyon ng parabula sa Mathnawi. Marahil, sapagkat higit na interesado ang nagpalaganap na mga fraile na bigyang-diin lámang ang tungkol sa masamâng ibinubunga ng kapalaluan. Maaari ngang dinagdagan ang bagay na ito ng diwang katutubo, ginawang eksaherado, kayâ lumitaw pang “pilosopo” ang bangkero. Ito yaong pakahulugan natin sa “pilosopong sampay-bakod” na bukod sa ayaw magpatálo sa anumang pagtatálo ay hindi mahapayang-gatang—mahusay sumagot ng kayabangan laban sa kayabangan. Lalo na sa pag-iisip at paglalatag ng mga bagay at kondisyong imposible.

Aral Versus Edukasyong Pormal

Dahil totoong paborito ko rin, iginawa ko ito ng isang mas mahaba at dramatikong bersiyon at ilang beses ko nang ginamit sa aking mga talumpati sa mga estudyanteng magtatapos sa high school at sa kolehiyo. Ganito ang aking bersiyon:

May isang iskolar na pauwi ng bayan at kailangang sumakay ng bangka patawid sa isang malaking ilog. Umiral ang kaniyang kayabangan at naisip paglaruan ang bangkero. “Mamang Bangkero,” tanong niya, “nakaratíng ka na ba sa Maynila?” “Naku, hindi pa po,” maagap na sagot ng bangkero. “Mula pagkabatà ay ang magkabilâng pampang lámang ng ilog ito ang aking nararatíng.” “Sayang,” pakli ng iskolar. “Napakalaki at napakaganda ng Maynila. Kalahati ng búhay mo ang nawala.”

Nakagat ang labi ngunit hindi umimik ang bangkero. Maya-maya, muling nagtanong ang iskolar. “Mamang Bangkero,” tanong niya. “Nabása mo na ang aklat ni Rio Alma?” “Naku, hindi po,” nakayukong sagot ng bangkero. “Ni hindi po ako marunong bumása. Marunong lang po akong sumagwan ng bangka.” “Sayang,” nakatikwas ang ngusong aral ng iskolar. “Isang dakilang makata si Rio Alma. Kalahati ng búhay mo ang nawala.”

Muling napangatlabi ang bangkero at nagpatuloy sa gawain. Nása gitna na silá ng malaking ilog nang mapansin ng iskolar ang tubig sa tiyan ng bangka. “Mamang Bangkero!” hintakot na sigaw ng iskolar. “Bakit dumadami ang tubig sa loob ng bangka?” “Ginoong Iskolar,” malumanay na tanong ng bangkero, “marunong ba kayong lumangoy?” “Naku, hindi. Hindi ako marunong lumangoy!” tarantang bulalas ng iskolar. “May bútas po ang bangka,” paliwanag ng bangkero. “Sayang, buong búhay ninyo ngayon ang mawawala.” At lumundag sa tubig ang bangkero.

Palagay ko, epektibo ang modernong bersiyon at gamit ko ng naturang parabula mulang Mathnawi. Tawanan lagi ang mga kabataan, lalo na sa joke ko hinggil sa aking sarili, at pagkatapos nitó’y tahimik na siláng nakikinig sa aking pangangaral. Noong panahon ng aktibismo, ginamit ko itong paraan upang idiin na hindi dapat ipagmalaki ang karunungang nakukuha sa libro at sa paaralan. Panahon iyon ng islogan na “Mag-aral mula sa Masa.” Tamang-tama sa islogan ang parabula ni Rumi. May kaalaman at karunungan ang masa—ang karaniwang tao—na kung minsa’y higit pang makabuluhan kaysa nabása sa teksbuk

Ngunit nais kong dagdagan ang dapat mapulot na aral mula sa Mathnawi. Bukod sa nasabi ko na, nais kong idagdag na ang orihinal na parabula ay isang napakahusay na paglitis sa edukasyon. Itinatanghal ang kawalan ng kabuluhan ng edukasyon ng gramatiko—ang karunungang nakuha sa pag-aaral ng libro—sa harap ng totoong sitwasyong nangangailangan ng praktikal na kaalaman—ang kaalamang lumangoy na hindi matututuhan sa pamamagitan lámang ng pagbása ng libro. Tulad ng nabanggit ko na, inuusig ng orihinal na parabula ang isang uri ng edukasyon na bukod sa elitista ay walang kabuluhan sa tunay na búhay ng tao. Mahalaga ang gramatika sa nais mag-aral ng wika. Ngunit ano ang silbi ng gramatika upang makaligtas sa pagkalunod? Ano nga ba, sa wakas, ang gamit ng gramatika sa pang-araw-araw na pag-iral ng tao? Nagiging higit bang tao ang isang gramatiko kaysa isang bangkero?

Kaugnay lalo na ng aking bersiyon, kailangang suriin ang kaalamang nakapaloob sa tinatawag nating “pormal na edukasyon” ngayon. May suspetsa ako na, tulad ng iskolar sa aking bersiyon, maraming kaalaman tayong sinisikap likumin at tandaan na sa huling pagtutuos ay hindi mahalaga sa ating búhay. Marami tayong kakayahang pinagbubuhusan ng panahon at talino na hindi gaanong kailangan sa ating pansarili’t pambansang pagsulong. Malimit na nagiging tulad tayo ng gramatiko na itinuon ang buong búhay sa pagpapakadalubhasa sa isang larang o disiplinang akademiko ngunit nalimot mag-aral lumangoy.

Magbigay pa táyo ng mga halimbawa. Inuubos natin ang talino’t salapi sa basketbol sa halip na magpakahusay sa soccer, futbol, swimming, at iba pang larong hindi pinamamayanihan ng matatangkad. Isinasaulo natin ang mga trivia tungkol sa mga artista at tungkol sa mga dakilang Amerikano ngunit napakababaw ang alam natin sa pambansang kasaysayan at mga tatak ng tagumpay na Filipino. Ginagamit natin ang makabagong teknolohiya, gaya ng texting para sa tsismisan at ng computer para sa computer games at friendsters. Pinahihirapan natin ang mga kabataan at guro sa pag-aaral ng Ingles sa halip na gamitin ang wikang alam nila at upang mabilis na matuto ng mga dalumat sa agham at matematika.

Tama ang bangkero sa aking bersiyon. Ano ba ang silbi ng pagpunta sa Maynila at pagbabása ng kahit pinakadakilang makata at mas dakila kay Rio Alma kung malulunod lámang sa Ilog Calumpit?

Wanted: Edukasyong Filipino

Maraming inaaksayang panahon at talino ang kasalukuyang edukasyong pambansa. Ang nakatutuwa, gusto pa nating dagdagan ang taon ng pormal na edukasyon. Para sayangin pa ang panahon at talino ng mga kabataan? Para bang sa pamamagitan ng dagdag na isang taon ay maiwawasto nga ang lahat ng kamalian sa kasalukuyang pagtuturo. Hindi naiisip ng mga opisyal natin na bakâ higit na makatipid ng salapi ang gobyerno kung ang pagtutuunan ng pagsusuri ay ang buong sistema ng edukasyon ngayon.

Ang unang dapat pagtuunan ng pagsusuri ay ang pangkalahatang layunin ng edukasyon. Bawat paaralan at bawat asignatura ay may isinusulat na matatayog at mararangal na layunin sa pagtuturo. Nakasalansan sa magagandang pangungusap. Ngunit para sa akin, sa ibabaw ng lahat ng mga dakilang adhika ay dapat iukit ang nais kong tawaging “Edukasyong Filipino.” Upang maging higit na matipid—isang adhikang napakahalaga sa isang pobreng bansang tulad ng Filipinas—at makabuluhan, kailangan lámang natin ang isang Edukasyong Filipino. “Filipino” sapagkat nakatuon ang buong direksiyon sa paghubog ng isang malikhain at kapaki-pakinabang na mamamayan.

Ngunit muli, hindi nangangahulugan ang “kapaki-pakinabang” ng isang tao na maalam lámang sa pinakabagong agham at teknolohiya. Kapag hindi sapat ang suweldo, madaliang mag-iisip na mangibang bansa ang ganitong eksperto. Hindi rin nangangahulugan ng isang dalubhasa sa pagpapatakbo ng industriya. Maraming ganitong teknokrat na ipagbibili ang negosyo sa dayuhang may pinakamataas na alok at kung limpak-limpak ang tutubuin. Maraming negosyanteng nakatuon lamang ang isip sa pagpapayaman kahit lason sa kalusugan ng tao at sa kaligiran ang ibinebentang produkto. Lalong hindi ito nangangahulugan ng isang matalinong administrador. Ganito ang mga bagong politiko na ginagamit lamang ang talino’t napag-aralan sa sa paghuthot ng yaman ng bansa, pagmanipula sa isip ng taumbayan, at pagpaplano upang manatili sa kapangyarihan kahit mabaon sa utang ang bansa at manatiling mangmang at maralita ang mayorya ng sambayanan. At waring lumalala ang takaw habang humahaba ang pamamalagi sa paaralan. Higit na ganid at walang budhi ang mga edukadong negosyante’t politiko natin ngayon.

Nagiging kapaki-pakinabang ang isang edukado kapag ganap at malikhaing ginagamit ang kaalaman at kakayahan para sa pagtulong sa kapuwa Filipino at para sa pangkalahatang kaunlaran ng Filipinas. Sa pinakabatayan at sa pangkalahatan, samakatwid, nangangahulugan ang Edukasyong Filipino ng paghubog sa kamulatan tungo sa naturang tungkulin at paglilingkod. Nagiging totoong kapaki-pakinabang ang edukadong Filipino kapag nakapagtnubay sa kaniyang lahat ng gawain ang kaligtasan, kalayaan, at kaunlaran ng sambayanang Filipino.

Saligang Moral ng Himagsikan

May katulad na saligang moral ang 1896 Himagsikang Filipino alinsunod sa isinulat ni Emilio Jacinto. Sa kaniyang “Mga Aral ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan,” pangunahing tuntunin at nilalagdaan sa sariling dugo ng mga Katipunero ang sumusunod:

Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.

Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan ay di kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapuwa, at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa
talagang Katwiran.

Nakapanghihinayang na naudlot ang ganitong mithi ng Katipunan at ng Himagsikang Filipino. Nabigo. Bakit? Si Apolinario Mabini mismo sa kaniyang pagbabalik-tanaw sa rebolusyon ang nagsabi na nabigo ang Himagsikang Filipino dahil lumihis ito sa orihinal na mithiin, dahil umiral ang “pansariling interes” sa hanay ng liderato at napailalim ang saligang moral na nais sanang palaganapin nina Andres Bonifacio. Salamat at naitayo ang Republikang Malolos. Ngunit itinatag na ang Republikang Malolos ng mga edukado’t panginoong-maylupa, na hindi magluluwat ay mag-uunahan ding lumuhod sa mga Amerikano hábang umaatras ang hukbo ni Emilio Aguinaldo sa hilagang Luzon.

Ilan sa mga delegado ng Kongresong Malolos ang maaari nating ihandog ngayong modelo ng kagitingan para sa mga kabataan? Baka hindi lumagpas sa bilang ng ating mga daliri. Katulad ng higit pa marahil kaunting bilang na maaaring hugutin mula sa pusali ng kasalukuyang Kongreso at Gabinete ng “Matatag na Republika.”

Sa gitna ng napakadilim na katayuan natin ngayon ay lalong nararapat ituon ang pondo at lakas ng paaralan tungo sa Edukasyong Filipino. Sa unang baitang pa lamang, sa unang aklat pa lamang na hahawakan ng mag-aaral, ay kailangang nakakintal na ang mga halagahang nauukol sa Edukasyong Filipino. Bawat leksiyon, kahit leksiyon sa aritmetika o anuman ay kailangang napapatnubayan ng mithiing makabayan. Hindi dapat ilimita sa Araling Panlipunan at lalo na’y hindi dapat unti-untiin. Kung totoong maraming humihinto ng pag-aaral sa elementarya ay kailangang maagap itong maitanim sa kalooban ng batà sa lalong pinakamaagang panahon. At hindi rin dapat maghinto ang pagdudulot ng Edukasyong Filipino hanggang kolehiyo upang matiyak na taglay ng kabataan ang sapat at wastong kultura ng kagitingan paggradweyt.

Sa kabilang dako, hindi naman nangangahulugang brainwashing ang Edukasyong Filipino para magkaroon tayo ng bagong henerasyon ng mga mamamayang handang “mamatay para sa bayan.” Para sa mga terorista ang ganoong brainwashing. Totoo, kailangan pa rin natin ang mga martir. Halimbawa’y gaya ni Jun Lozada na tinalikdan ang pansariling layaw at kalayaan dahil sa adhikang sabihin ang katotohanan. Halimbawa’y gaya ng mga guro sa Batangas na nasawi habang iniingatan ang mga ballot box nitong nakaraang eleksiyon. Ngunit ang tinatawag kong pagsasaloob sa kultura ng kagitingan ay ni hindi laging nangangailangan na gayong sakripisyo. Nangangahulugan lamang ito ng wastong pagpapahalaga sa karapatan ng tao at paggalang sa karapatan ng ibang tao. O kayâ nangangahulugan lamang ito ng wastong kaalaman sa mga batas at tuntunin ng lipunan at pagtupad sa mga ito bilang mamamayan. O kayâ nangangahulugan lamang ito ng pangangalaga sa kalinisan, katahimikan, at kaayusan ng paligid.

May kultura ng kagitingan ang batàng marunong gumamit ng basurahan. Walang kultura ng kagitingan ang nagtatapon ng upos sa urinal, naghahagis ng babolgam sa bangketa, nagkakalat ng plastik sa kalsada at dalampasigan.

May kultura ng kagitingan ang drayber na sumusunod mabuti sa batas trapiko. Walang kultura ng kagitingan ang hindi gumagamit ng pedestrian lane, nagpaparking ng sasakyan kahit saang may espasyo, nagsisigarilyo sa loob ng bus, parang hari ng lansangan kapag nagmamaneho.

May kultura ng kagitingan ang nagtitipid ng tubig at koryente. Walang kultura ng kagitingan ang nakabukas ang mga ilaw sa bahay kahit hindi ginagamit, pinaliliguan ng hose ang kotse kapag nililinis, hindi inaayos agad ang sirang gripo, nagtatapon ng basura sa ilog, nagsusulat ng graffiti sa pader at dingding, hindi naglilinis ng kanal at bakuran.

Ang ibig kong sabihin, munting pang-araw-araw na kagitingan lamang ang kailangan natin mula sa bawat mamamayang Filipino. Ngunit ginagawa ng táong may kultura ng kagitingan ang kaniyang munting pang-araw-araw na tungkulin dahil alam niyang bahagi iyon ng isang pambansang tungkulin. Nagtatanim ng punongkahoy ang isang táong may kultura ng kagitingan sapagkat alam niyang kailangang maibalik ang gubat ng punongkahoy na sinalanta ng mga gahamang magtotroso. Ang paglalakad niya nang tahimik sa koridor upang hindi maabala ang mga nagkaklase sa mga silid-aralan ay kapantay ng paggalang sa karapatan ng kapuwa. Ang pag-iingat niya sa upuan sa klase ay kasinghalaga ng maayos na paggamit sa anumang gamit publiko.

Sa ibang salita, bagaman hindi ganap ang kapayapaan sa buong kapuluan at maraming dapat gawing kolektibong pagkilos para sa mga kailangang repormang pampolitika’t panlipunan, hindi ito panahon para sa mga bayani ng digma’t himagsikan. Hindi rin kailangang maging martir at preso tayo upang makaambag sa pagbabago. Higit nating kailangan ang mga bayani ng pang-araw-araw na buhay Filipino. Ang mga guro na nagsisikap humubog ng kapaki-pakinabang at malikhaing mamamayan sa paaralan. Ang mga kabataan na nagbubuhos ng talino’t kakayahan upang maging totoong pag-asa ng bayan. Ang mga empleado ng gobyerno na isinasangkot ang sarili sa paglilingkod sa karaniwang taumbayan. Ang mga alagad ng batas na nangangalaga sa kapayapaan at kaayusan. Ang mga lider na nag-iisip ng mga paraan upang higit na umunlad at guminhawa ang buhay ng bawat mamamayan. Ang mga negosyanteng nangangalaga sa mga industriya’t lumilikha ng sapat na kabuhayan para sa lahat. Ang mga manunulat na tumutula’t kumakatha ukol sa ikadadakila ng ating bayan.

Ito ang diwa ng kultura ng kagitingan. At ganitong sambayanang Filipino ang pangarap na bunga ng isang Edukasyong Filipino. Hinding-hindi ang mayabang na iskolar sa kuwento ni Rumi.

Pahabol: Siyanga pala, malaki ang paniwala ko na ang Filipino na may nabanggit na kultura ng kagitingan ang masusuya sa kasalukuyang kalagayan at magsisimulang magtanong kung bakit. Siya ang maghahanap ng babasahin at panooring mas mahusay kaysa nababasa ngayon. Siya ang magsusumbong kapag nakasaksi ng pulis na kotong. Siya ang tututol kapag may di-makatarungang dagdag sa pasahe o buwis. Siya ang boboto sa kandidatong may magandang bisyon para sa ating bayan at hindi basta mayaman o popular lang. Siya ang mamamayang hindi matatahimik kapag laganap ang korupsiyon at kawalan ng katarungan. At kung kailangan, mag-aalay siya ng dugo para ipagtanggol ang karapatan at kalayaan bilang Filipino.

Ano kayâ ang isagot sa akin ng bangkero?

Ferndale Homes
28 Pebrero 2009

__________________________________
Mga Tala

1Batay ang salin ko sa Ingles na bersiyon ng A Treasury of Asian Literature, John D. Yohannan, editor (New York: A mentor Book, 1958).

2The Philippines in Songs and Ballad, Felixberto C. Sta. Maria (Cacho Hermanos, Inc., sk 1976).

3The Folk Songs, Damiana Eugenio (De La Salle University Press, Inc., 1996).

2 comments

  1. naka2antig po ng puso ang mga kanta!!!

  2. john carl

    salamat po sa Topic na ibinigay nyo… nakuha ko na ung meaning ng salitang “di mahapayang-gatang”.

Leave a comment