Translate:English EnglishFilipino Filipino

Iyang Filipinong Pananaw sa Pagbuo ng Pambansang Panitikan

December 26, 2008 | Essays

HINDI KAYO maniniwala, ngunit may paniwala ako na si Francisco Balagtas ang unang nangarap ng isang “Panitikang Filipino.” Binabasa ko kasi ang pambungad niyang “Kay Celia” bilang isang panawagan sa isang Musang Filipina, isang sinisintang katutubo sa halip na isang patronang Europeo, upang tulungan ang makata sa kaniyang pagbabalik sa mga gunitang higit na matalik na kaugnay ng kaniyang karanasan bilang isang makatang Filipino. Isang makabuluhang hudyat ang naturang tula ni Balagtas upang muling umuwi ang haraya sa sariling bayan pagkatapos ng mahabang panahon ng paglilimayon sa malalayong lupain at pagkagumon sa mga banyagang kabalyero’t prinsesa at sagradong panahon ng mga propeta’t apostoles.

Kaya hindi natin maiiwasang basahin ang mga saknong ng Florante at Laura na tila mga orakulong delpiko ni Apolo, mahiwaga at tumitigatig sa atin upang isaisip na kapiling tayo ni Florante sa kaniyang kalbaryo sa Albanya. Hindi natin maiiwasan, sapagkat ipinagtapat niya sa “Kay Celia”—sa sanhi ng kaniyang pagtula—na:

Ang caloloua co,i cusang dumadalao
Sa lansanga’t, nayong iyong niyapacan
Sa ilog Beata,t, Hilom na mababao
Yaring aquing puso,i, laguing lumiligao.

Inaangkin ng bagong espiritu santo ang makata. Ang buong kaluluwa niya’y nagsisikap dumalaw ngayon sa mga “lansangan at nayon” ng kaniyang pag-ibig at nagnanais muling magtampisaw sa “Ilog Beata at Hilom.” Hindi sa Ilog Jordan na pinagbinyagan kay Hesus o sa Ilog Rubicon na tinawid ni Julius Caesar, kundi sa mababaw ngunit kilalang-kilala niyang mga ilog ng Beata at Hilom sa Pandacan, Maynila.

Kung totoo ang saliksik ni Hermenegildo Cruz, naganap ang unang pangarap tungo sa pagbuo ng panitikang Filipino noong 1838 at malimbag ang Florante at Laura. Mahigit sansiglo’t kalahati na ang pangarap subalit waring malayo pa tayo sa dapat gawing mga panimulang hakbang. May mga sagabal pa kasing dapat igpawan at durugin. Una, noong panahon mismo ni Balagtas, ang pananakop ng mga Espanyol. Kaya hindi maaaring basta magbalik ang makata sa “lansangan at nayon” ng kaniyang sariling bayan. Kailangan muna niyang wasakin ang kolonyalismong nagpipiit sa kaniya upang magkaroon ng kalayaang dumalaw sa “lansangan at nayon.” Sa panitikan, ito ang simbolikong papel ng pagbabalik ni Ibarra Crisostomo sa Noli at ni Simoun sa Fili ni Rizal. Sa kasaysayan, isinagawa ito ng Himagsikang 1896 na nagwakas sa pagkalansag ng makinaryang militar at pampolitika ng kolonyalismong Espanyol.

Naubos ang ika-19 siglo para matupad ang lunggati ni Balagtas na makabalik ang haraya sa sariling mga “lansangan at nayon” ng Filipinas. Ngunit unang hakbang lamang pala iyon. Sumalimuot ang proyekto nang dumating ang mga Amerikano at naubos naman ang ika-20 siglo sa paghahanap ng mga wastong “lansangan at nayon” na kailangang dalawin. Isang malaking sagabal ang pinalaganap na edukasyong Amerikano. Sa ngalan ng demokratikong edukasyon, idinulot ng edukasyong Amerikano ang ipinagkait ng kolonyalismong Espanyol. Itinuro sa mga paaralan ang lahat ng makabago’t progresibong pananaw. Na naging isang patibong para sa makatang Filipino. Bakit? Dahil natuto siyang magpahalaga sa mga makabago’t progresibo, na naging kasingkahulugan pagkuwan ng pagkagumon muli sa mga bagay na hindi Filipino. Ang pagmamahal at pagdakila sa makabago’t progresibo ay naging kasingkahulugan ng pagmamahal at pagdakila sa pagbabago’t progresibong tunguhin na kinakatawan ng kulturang Amerikano sa isang banda, at ng pagkaligta kung hindi man pagmaliit sa anumang tradisyonal at katutubo sa Filipinas. May pagkakataong napapahalagahan lamang ang tradisyonal at katutubo dahil sa eksotikong pang-akit nito para sa kapakanang panturismo at sa edukasyon bilang isang espesyalisasyong pansaliksik ng mga antropologo at etnologo. Matagal na panahong nakapiit sa mga eskaparate ng museo at tindahan ng antik ang tradisyonal at katutubo. Ipinagbibili at ipinang-aaliw lamang sa mga turista; ipinandedekorasyon sa mga gusali’t bahay ng mayayaman upang magdulot ng naiiba (eskotiko) at masarap pag-usapang atmospera.

Gayunman, hindi namatay ang lunggati ni Balagtas. Sa nakaraang ika-20 siglo, patuloy bagaman nakapailalim ang mga pagkilos upang hanapin ang wastong “lansangan at nayon” ng kaniyang pag-ibig. Bago naganap ang Himagsikang 1896, tinawag itong “Amor Patrio” ni Rizal at madamdaming isinalin ni Andres Bonifacio sa “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan.” Sa bungad ng ika-20 dantaon, patuloy itong nagpaalab sa mga tulang sedisyoso at drama simboliko nina Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, Juan Abad, Aurelio Tolentino, at mga manunulat sa mga wikang katutubo—Tagalog, Kapampangan, Iluko, Bikol, Sugbuanon, Hiligaynon, Waray. Tinawag itong “Nasyonalismo” ng mga delegado sa Unang Kumbensiyong Konstitusyonal noong 1935, lalo na ni Claro M. Recto—ang pinakamaningning na tinig ng “nasyonalismo” bilang kontra-Amerikanisasyon sa politikang pambansa, lalo na pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang paghahanap sa “wastong lansangan at nayon” ay naging kaagapay ng paghahanap sa “Pambansang Kaakuhan” (National Identity) sa buong panahon ng Cold War at matimyas na nakatampok sa pagsulat ng “Panitikang mula sa Masa at para sa Masa” mulang dekada 70.

Ang binuksang pagdalaw ni Balagtas sa “lansangan at nayon” ng kaniyang pag-ibig ang tinutukoy ko ngayong “Filipinong Pananaw” sa pagbuo ng panitikang pambansa at mahigpit na kaugnay ng aking Bagong Pormalismong Filipino sa pagbasa’t pagsusuri ng (mga) panitikan ng Filipinas. Nagsisimula ito sa nirebisang lunggati ni Balagtas—mula sa kaniyang pagdalaw sa “lansangan at nayon” ng kaniyang pag-ibig tungo sa paghahanap ng “wastong lansangan at nayon” ng ating pag-ibig nitong ika-20 siglo—at isang pangunahing bahagi ng adyenda ang paglikom sa kapaki-pakinabang na mga leksiyon ng nakaraang ika-20 siglo.

Unang Hakbang: Pagbuo ng Kasaysayang Pampanitikan

Ang Filipinong Pananaw ay isang mahalagang salik ng pambansang kalinangan. A, ang “kalinangan”! Napakarikit na salin ng “kultura” mula sa Europa. Kalinangan. Ka+linang+an. Nakabuod sa likhang salita ang “linang,” ang sityo ng pagsasaka’t agrikultura, ang pook na matiyagang binubungkal, sinusuyod, inaalisan ng damo’t halamang ligaw, dinudulutan ng angkop na patubig at pataba, upang pagtaniman. Nasa kalinangan ang kabuuang sipag at tiyagang pang-agrikultura upang mapairal ng tao ang sariling kakayahan sa ibabaw ng búhay na umaasa lamang sa kalikasan. Kalinangan/Kalikasan. Kalinangan versus Kalikasan. Tulad sa isang mabangong bulaklak, kailangang alagaan ang kalinangan mula sa isang binhi, magsupling, mag-usbong, magtangkay, magbuko, at hanggang mamukadkad. Hindi ito isang ilahas na halamang maaaring mabuhay kahit saan. Hindi rin ito bulaklak na maaaring bilhin sa pandaigdigang tindahan ng kultura upang ipahiyas sa bulwagang pambansa kailanma’t kailangan. Ginagamit ng tao ang kaniyang natamong sining at agham upang alagaan ang kaniyang tanim tungo sa kaniyang nais anihing kalinangan. Nakasalalay sa kakayahan, kaalaman, at kasanayan ng tao ang antas at anyo ng tagumpay ng kaniyang kinakalingang kalinangan.

Pangunahing bahagi ng kakayahan, kaalaman, at kasanayang ipinang-aalaga sa kalinangan ang pananaw. Ang totoo, pinapatnubayan ng pananaw ang pagpapasiya sa uri at anyo ng kakayahan, kaalaman, at kasanayang kailangang gamitin sa pag-aalaga ng kalinangan. Sa isang salita, ipinapasiya ng pananaw ang kalinangan. Sa gayon at samakatwid, ipinapasiya ng Filipinong Pananaw ang pagbuo ng isang Filipinong Pambansang Kalinangan; at sa isang higit na maliit na gamit ng naturang pormulasyon, ipinapasiya ng Filipinong Pananaw ang pagbuo ng isang Filipinong Pambansang Panitikan.

Ulitin natin: isang mahalagang salik ang Filipinong Pananaw ng pambansang kalinangan, o para sa ating paksa, ng pambansang panitikan.

Subalit isang mabigat at maselang gawain mismo ang pagbuo ng Filipinong Pananaw. (Kaya kailangan kong isulat sa malaking titik.) Una, ano ba ang “Filipino”? Nahirapan ang ating pangunahing makabansang mga intelektuwal noong mga dekada 50 at 60 sa pagtukoy ng “kaakuhang Filipino.” Hanggang ngayon, may nagpipilit pang ni hindi dapat gamitin ang “Filipino” bilang pangngalan sa anumang pambansa. Higit diumanong angkop ang “Tagalog” gaya ng sinikap pairalin sa Katipunan nina Bonifacio at Jacinto. Sa kabilang ibayo, may nagpipilit namang mga politikong Sebwano at Inglesero na hindi dapat tawaging “Wikang Pambansa” ang “Filipino” sapagkat “Tagalog” ito at hindi “Filipino.” Marahil, kailangang iwasan o ilibing na ang ganitong uri ng mga argumento. Sansiglo na tayong binalam sa pagbuo ng “Filipino” dahil sa ganitong pagtatalo. Hindi tayo kailanman makabubuo ng anumang matatawag na “Filipino” hangga’t naiiralan ang ating isip at damdamin ng mga makasariling lunggati at makikitid na mithiin. Ang gamit ko ng “Filipino” sa Filipinong Pananaw ay katugma lamang ng Makabansang Pananaw at ginagamit ko sapagkat nais kong iagapay sa mithiing itawag ang “Filipino” sa wikang pambansa at anumang pambansa.

Kaugnay nito, nais kong ipanukala na ang pagbuo ng Filipinong Pananaw ay higit na nangangahulugan ng matalik na pag-aaral at pagsusuri sa kasaysayan—sa kasaysayan ng Filipinas bilang isang lipunan at bansa at sa kasaysayan ng (mga) panitikan ng Filipinas.

Hinggil sa kasaysayan ng Filipinas, mahalagang likumin at pakinabangan ang mga tagumpay sa pagsulat ng kasaysayan mula sa “kasaysayan sa pananaw ng Filipino” nina Teodoro A. Agoncillo hanggang sa “kasaysayan mula sa ibaba” nina Renato Constantino. Ginamit ko ang “nina” bilang pananda upang ipahayag na kinakatawan lamang nina Agoncillo at Constantino ang progresibong tunguhin sa pagsusuri ng kasaysayan kaugnay ng paghahanap sa Kaakuhang Filipino pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa mga pagsulong ng naturang adhikain bago matapos ng ika-20 siglo. Makabuluhan ang pagkilatis sa mga tagumpay at kahinaan ng mga naturang nasyonalistang pagtanaw sa kasaysayan ng Filipinas upang maging patnubay sa kailangang isagawang pagbuo ng kasaysayang pampanitikan ng Filipinas alinsunod sa isang Filipinong Pananaw.

Doble samakatwid ang problemang kailangang harapin at tunggaliin ng isang nag-aadhikang bumuo ng kasaysayang pampanitikan ng Filipinas. Kailangan niyang buuin ang kasaysayang pampanitikan ng Filipinas alinsunod sa isang Filipinong Pananaw samantalang kailangan din niyang linawin o ipaliwanag ang kaniyang Filipinong Pananaw. Sa kabilang dako, hindi magkahiwalay ang naturang problema. Ang ibig sabihin, ang pagbuo ng Filipinong Pananaw ay matalik na kaugnay ng pagbuo ng isang kasaysayang pampanitikang may Filipinong Pananaw. Hindi nauuna ang isa sa kabila. Sa halip, sabay o magkaagapay na pinagtitibay ng isa’t isa ang pag-iral ng dalawa. Isinisilang o nagaganap ang dalawa sa sandaling matukoy ang kaganapan ng isang pambansang panitikan. Kailangan ding kilalanin ang diyalektikong ugnayan ng dalawa. Ang ibig sabihin, sumusulong ang pagkagagap ng isa sa pamamagitan ng pagsulong sa pagkagagap sa kabila at viseversa. Isang halimbawang pangyayari ang ganito: Nakabuo ng isang kasaysayang pampanitikan na ginamitan ng hakang Filipinong Pananaw na maaaring hinango mula sa pagsulat ng kasaysayan ng Filipinas. Gayunman, ang pagsusuri ng naturang nabuong kasaysayang pampanitikan ay maaaring magdulot ng bagong Filipinong Pananaw, na maaaring gamitin naman sa pagsulat ng bagong kasaysayang pampanitikan. Ang pagpapatuloy ng ganitong negosasyon ay maaari lamang humantong sa higit na mataas na antas ng pagpapahalaga sa kasaysayang pampanitikan alinsunod sa Filipinong Pananaw.

Lumulusog ang Filipinong Pananaw bunga ng paglawak at paglalim ng pagkaunawa nito sa kasaysayang pampanitikan. Sa kabilang dako, pinag-aalab ng Filipinong Pananaw ang saliksik upang itanghal ang isang Filipinong kasaysayang pampanitikan, at upang mabuo, sa wakas, ang isang paraan ng Filipinong Pananaw sa pambansang panitikan.

Matatag na Sandigang Katutubo

Hindi gaanong matibay ang kasalukuyang sandigan ng mga nakalimbag na kasaysayang pampanitikan. Bunga ito ng pangyayari na, tulad ng karaniwang kasaysayan ng Filipinas, nakasandig lamang ito sa pambansang karanasang dulot ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano. Maaaring malakas at makapangyarihan ang naturang karanasang dulot ng engkuwentro natin sa Kanluraning kultura. Subalit kung baga sa pagtatanim, napakababaw at napakaikli ng ugat nitong pangkalinangan. Nangangahulugan lamang ito ng 1,521 taon mula nang ipadpad ng along Pasipiko si Magallanes sa Samar-Leyte. Sa kabilang dako, ibinabadha ng carbon dating sa bungo ng Taong Tabon na 60,000 taon nang nag-aalaga ng katutubong kalinangang Filipino ang kapuluan ng Filipinas.

Kailangan samakatwid ang isang estratehikong palatuntunan upang patatagin ang sandigan ng kasaysayang pampanitikan.

Isang mahalagang sangkap ng naturang programa ang paglinang sa higit na malalim na mga ugat na katutubo ng pambansang panitikan. Dito makabuluhan ang mga natipon nang malaking lawas ng panitikang-bayan mula sa pagsisikap ng gaya nina Epifanio de los Santos, Norberto Romualdez, Jaime C. de Veyra, E. Arsenio Manuel, H. Otley Beyer, Willism Henry Scott, Juan Demetrio, at Damiana Eugenio. Napakalaki na ng batayang impormasyong natipon nitong ika-20 siglo upang idagdag o ipantimbang sa panimulang ulat ng mga misyonerong Espanyol at saliksik nina Rizal, Ferdinand Blumentritt, at Isabelo de los Reyes. Tapos na ang layunin noong gamitin ang mga ito bilang ebidensiya sa mayamang katutubong kultura ng Filipinas bago dumating ang mga Espanyol. (O sadyang nakapako pa ang ating adhikang pang-edukasyon sa diwa ng Panahon ng Propaganda? Na isang balintuna lamang ngayon na sa halip na mga Espanyol ay higit nating kailangang kumbinsihin ang ating sarili hinggil sa kakayahang magsarili at umunlad ng Filipino?) Upang maging kapaki-pakinabang sa atin ngayon, higit na kailangang gamitin ang mga ito bilang pintungan sa pagsisiwalat ng pinakasulong na mga katangian ng pagiging panitikan at ng mga pangunahing palatandaan ng tagpuan at pagsasanib.

Sa isang banda, maiiangat ng naturang mga hakbang ang kasalukuyang lawas ng panitikang-bayan mula sa nakamihasnang tungkulin nito sa mga iskolar ng etnograpiya at agham panlipunan. Mula sa makakapal nitong antolohiya at inaagiw na manuskrito sa artsibo’t aklatan, ang panitikang-bayan ay magiging buháy na sinapupunan ng kasalukuyan at makabagong panitikan. Magkakaroon ito ng bagong halaga bilang antigong hiyas, bilang sinaunang karunungang dapat suriin at tuklasin, at (laban sa pagmaliit ng Modernista’t mga edukadong mahiligin lamang sa arál na panitikan) may katutubong katangiang maaaring ipagmalaki’t ipantay sa tampok na panitikan ng daigdig.

Sa kabilang banda, maihihimaton ng naturang mga hakbang ang mga unang sabang at salapong ng mga tula, awit, at salaysay sa buong kapuluan. Tulad ng mga pagtatagpo ng mga di-naimapang landas ng mga balangay at karakowa at pagsasanib ng mga dugo ng iba’t ibang mag-anak at lipi daan-daan o libo-libong taon bago dumating ang mga Europeo, ipamamalay ng mga naturang interseksiyon ang binhi ng mga pag-iisa at pag-iiba at ang higit na makabuluhang sandigan ng hambingang pampanitikan sa buong bansa.

Halimbawa, titigan natin ang isang uri ng palma na tinatawag ng mga Tagalog na “búnga” (Areca catechu). May palatandaang isang matandang halaman ito na katutubo sa Filipinas at matatagpuan sa maraming pook kaya’t “búnga” rin ang tawag sa Bikol, Hiligaynon, Sugbuanon, Waray. May kaunting kaibhan ang tawag ditong “buá” sa Iluko, na “buwá” sa Panggasinense, at “vuá” sa Ibanag. Ibang-iba ang “manáan” sa Maranaw bagaman lilitaw na kahawig ito ng isang tawag sa dahon ng ikmo (piper betel), isa pang matandang halamang baging sa Filipinas. Ang naturang dahon ay higit na kilala bilang “búyo” sa Tagalog na naiba lamang ang bigkas at naging “buyó” sa Bikol, Hiligaynon, Sugbuanon, at Waray. Tinatawag din itong “mam-ín” sa ilang pook sa Katagalugan at kahawig ng tawag na “mamáan” sa Maranaw gayundin sa binanggit kong tawag na “manáan” sa “bunga” ng Maranaw.

Ngayon, lumilitaw ding isang sinaunang ugali ng maraming lipi sa Filipinas ang pagnguya sa pinaglahok na bunga, buyo, at apog. Ang paggawa ng “ápog” mismo mula sa dinikdik na talukab ay isang kaalamang laganap sa kapuluan kaya’t nagkakaisa ang tawag dito sa Hiligaynon, Iluko, Magindanaw, Maranaw, Sugbuanon, Tagalog, at Waray at isang baryasyon lamang ang “apì” sa Kapampangan at “áfug” sa Ibanag. Ang nguyàin na binubuo ng bunga ng bungang ibinalot sa buyo ay tinatawag mismong “búyo” sa maraming pook bagaman kilala rin na “hitsó,” “ngangà,” at “mam-ín” ng mga Tagalog. Ang huling nabanggit na pangalan ang makikitang kahawig ng “mamâ” sa Hiligaynon, Sugbuanon, at Waray, ng “mámon” sa Bikol, ng “máman” sa Kapampangan, ng “mamáen” sa Iluko, at ng “mamáhin” sa Ivatan.

Bahagi ng sinaunang kultura sa maraming pook sa Filipinas ang pagngangà. Maaari itong ikahilo ng baguhan kaya’t nagiging panukatan sa pagsapit ng isang kabataan sa wastong gulang. Sa isang bersiyon ng epikong-bayan ng mga Subanon, batang-bata pa nang humarap ang bayaning si Sandayo kay Datu Daugbulawan kaya nasambit ng matanda na “Bata, k’na ginapog: po dapa no p’nlebon.” (Batà, di ka dapat bigyan ng apog: wala ka pang kilalang babae.) Nabanggit din ni W.H Scott na isang mahalagang ugali ang pagsisilbi ng ngangà at itinuturing na isang bahagi ng seremonya sa pagtanggap ng panauhin sa mataas na lipunan. Sa gayon, hindi kataka-takang maging tampok na bahagi ng panitikang-bayan ang pagngangà at maging sanhi ng mga sinaunang romansa. Wika pa ni W.H. Scott:

Another characteristic of Philippine epics is the amount of space given to betel nut. The datu’s followers turn the ground bloody as a battlefield with their spittle, demigods chew bonga of pure gold, ladies make their appearance preparing quids for their menfolk and serving them ceremoniously, and lovers seal their commitment by exchanging them partially masticated.

isang bersiyon ng epikong-bayan ng mga Manobo, nauwi sa isang mahaba’t madugong tunggalian ang isang kasalan nang magselos ang nobyo kay Tuwaang dahil inunang handugan ng ngangà ng nobya ang bayani. Isang higit na marikit na romansa ang kandu—tawag sa sinaunang mahabang tulang pasalaysay sa Bisaya—hinggil sa pag-iibigan nina Datung Sumanga at Bugbung Humasanun. Alinsunod sa lagom ni Fray Francisco Ignacio Alcina (1668) ng naglahong epikong-bayan, isang napakagandang prinsesa sa Bohol si Bugbung Humasanun. Subalit tulad ng kaugalian noon, isa siyang binukot—nakakulong siya sa kaniyang silid at walang pinahihintulutang makasilip sa kaniyang kagandahan. Isang araw, dumating sa harap ng kaniyang tahanan ang isang dakilang pinuno, si Datung Sumanga, na nagnanais mapangasawa ang bantog na prinsesa. Tahasang tinawag ng datu si Bugbung Humasanun, sa halip na manawagan at gumamit ng mga pangngalan at pang-uri na karaniwang ipinampupuri sa kariktan ng prinsesa. Nayamot si Bugbung Humasanun at inutusan ang isang abay upang ipahayag ang naramdamang poot at hiya bunga ng kabastusan ng datu.

Hindi ka ba tinuruan kung paano magbigay galang sa babae? At bakit kailangang ikaw mismo ang magsadya at magpahayag ng iyong pakay? Wala ka bang alipin man lamang na maipadadala upang siyang magpahayag ng iyong layunin? O wala ka bang mapagtitiwalaang kaibigan upang kumatawan sa iyo?

Napahiya ang datu at umalis. Gayunman, agad itong pumili ng isang aliping Agta upang maging tagapamagitan. Inutusan niya ang alipin na humingi ng mga buyo sa prinsesa. Humarap ang alipin sa prinsesa, ginamit ang nakaugaliang papuri sa kariktan nito, at magalang na sinabi ang hiling ng kaniyang panginoon. Magalang ding sumagot ang prinsesa ngunit ikinalulungkot niyang wala siyang maibibigay na buyo dahil wala siyang bunga at ikmo. Sinabi ng prinsesa na nagmumula sa lupaing sinisilangan ng araw ang ginagamit niyang bunga at nagmumula naman sa lupaing nilulubugan ng araw ang ginagamit niyang ikmo.

Inihatid ng alipin sa panginoon ang sagot ng prinsesa. Noon din, inutusan niya ang kaniyang mga alipin sa dalawang paglalakbay—isa sa dakong silangan ng araw at isa sa dakong kanluran—upang tupdin ang nais ng prinsesa. Kagyat nagbalik ang alipin sa prinsesa nang makuha ang bunga mula sa silangan at ang ikmo mula sa kanluran. Ibinigay niya ang handog na bunga at ikmo at inulit ang hiling ng panginoon para sa ngangà na gawa ng prinsesa. Tinanggap ng prinsesa ang handog ngunit isinagot na hindi niya magagawa ang ngangà dahil wala siyang apog na matatagpuan lamang sa isang napakalayong pulo. Muli, iniutos ng datu ang madaliang paglalayag upang hanapin ang apog na bilin ng prinsesa. Mabilis na nakabalik ang mga alipin dala ang espesyal na apog at mabilis din itong inihandog sa prinsesa. Subalit ngayon sinabi ng prinsesa na hindi pa rin niya maigagawa ng ngangà ang datu hanggang hindi ito ang personal na magtungo sa bayan ng Tandag sa baybayin ng Caraga at manguna sa pagkuha ng mga aliping ihahandog sa kaniya.

Hindi nag-isip si Datung Sumanga. Kaagad iniutos ang pangayaw kasama ang mga mandirigma at sakay ng malalaking balangay. Nilusob niya ang Caraga at humuli ng 120 bilanggo. Pagbalik sa Bohol, ipinadala niya ang mga bilanggo sa prinsesang binukot. Ibinilin din niya ngayon sa alipin na madaliin ng prinsesa ang paggawa ng hiling niyang ngangà dahil lubha siyang napagod sa isinagawang paglalakbay at paglusob.

Naging simula lamang iyon ng mga dagdag na pagsubok sa katapangan ng datu. Pinapunta siya sa Yandig at Camiguin at nagbalik siyang may 220 alipin. Dinagdagan niya ang kaniyang hukbo at sasakyang dagat nang magpunta sa Mindanao at Jolo. Dinagdagan pa niya ang hukbo at armas at tinibayan ang mga sasakyang dagat nang pumalaot siya patungong kaharian ng Tsina. Doon, sinalakay niya ang hindi nakahanda at mahinang mga bayan at buong bilis na umuwi upang ihandog sa sinisinta ang mga bihag at nadambong. Pinuri ng prinsesa ang kaniyang katapangan, subalit isinudlong bilang huling hiling na bigyan ng mga bagay mulang langit na kasinghalaga ng mga inihandog niya mula sa ibang lupain.

Sinikap tupdin ni Datung Sumanga ang kahilingan. Sinugod niya ang lawak ng karagatan sa pag-asang mararating ang langit at makapag-uuwi ng bituin at kahit isang piraso ng buwan. Ngunit waring lumalayo nang lumalayo ang langit tuwing mararating niya ang dulo ng karagatan. Sa wakas, umuwi siyang bigo at ipinagtapat ito sa prinsesa sa pamamagitan ng kaniyang aliping Agta. Gayunman, ipinabatid din niyang lubha siyang napagod sa utos ng prinsesa kaya’t kailangang-kailangan niya ang matagal nang hinihiling na buyo. Kapag hindi ito ipinadala ng prinsesa sa lalong madaling panahon, ang datu mismo ang papasok sa tahanan ng prinsesa at tatanggalin ang pusód ng buhok nito upang ipalamuti sa duong ng kaniyang sasakyang dagat.

Tumangis at lubhang nahintakutan ang prinsesa sa kalatas ng datu. Ipinasiya niyang gawin ang buyo na matagal niyang ipinagkakait. Pagkabilot ng mga buyo, inilagay niya ang mga ito sa isang sisidlang marmol at katulad ng sisidlan ng hiyas ng mga maharlikang binibini, at ipinadala sa alipin. Subalit tinanggihang buksan man lamang ni Datung Sumanga ang sisidlan. Ipinabalik niya ang mga buyo sapagkat nais niyang nginuya muna ito ng prinsesa at inilagay sa loob ng isang kahitang ginto upang ipahiwatig na pumapayag ang dalagang maging asawa niya. Tinupad itong lahat ng binibini, at naganap ang pag-iisang-dibdib nina Datung Sumanga at Bugbung Humasanun sa isang paraang nararapat sa kanilang katayuang panlipunan at kayamanan.

Kung pag-uukulan ng masinop na pansin, ang pagtitig sa mga lunan ng pagtatagpong pangkalinangan sa pamamagitan ng panitikang-bayan, gaya ng naganap sa pagngangà, ay makapagpapatibay sa sandigang katutubo ng ating Filipinong Pananaw at sa pagbuo ng panitikang pambansa. Ang ibig kong sabihin, kapag bumasa tayo ng isang piraso ng panitikang-bayan, halimbawa, isang alamat, kailangang basahin natin ito nang higit sa isang alamat lamang. Hindi rin bilang isang mahusay na ehemplo lamang ng panitikang-bayan. Kung maaari at ipahihintulot ng teksto ng alamat, kailangang basahin natin ito bilang bahagi ng pambansang pamana, isang uri ng panitikan na maaaring makapaghimaton sa atin ng isang kaalaman o katangian na magpapalusog sa ating pagkatanto hinggil sa ating sarili bilang Filipino.

Pagpapalusog sa Filipinong Pananaw

Sa kabilang dako, lumulusog ang Filipinong Pananaw habang naisasanib sa pambansa kahit ang mga kaalaman, hilig, at ugali sa kasalukuyan na nakamihasnang ipiit lamang sa kamalayan at diwain ng isang pulo, lalawigan, o rehiyon. Kapag isinanib sa pambansa, hindi kailangang maglaho ang orihinal na identidad ng isang kaalaman o kaugalian mula sa isang lalawigan o rehiyon. Mananatili itong pag-aari ng pinagmulang lalawigan o rehiyon, ngunit nagiging bago’t dagdag na kulay sa bahaghari ng kalinangang pambansa. Kung babalikan ang inumpisahan kong talinghaga hinggil sa kalusugan, ang anumang sangkap mula sa lalawigan o rehiyon ay mistulang butil ng sustansiyang nagdudulot ng panibagong lakas sa pambansa.

Hindi maaaring umiral nang matagal ang kabaligtaran nito. Ang ibig sabihin, maaaring isandig ang pambansa sa isang makapangyarihang lalawigan o rehiyon. Malimit nang maganap ito. Subalit kailangan ng pambansa ang taguyod ng ibang nakapaloob na mga lalawigan o rehiyon upang bumulas ang panimulang sandigan nito. Kung hindi, at tulad ng alinmang isahang sangkap ng kalinangan, aabutin ito ng panghihina upang pagkuwan ay mamatay. Kung hindi, maaari itong masangkot sa isang walang katapusan at mapanganib na pakikipagtunggali laban sa isa o dalawang aspiranteng lalawigan o rehiyon, maubos ang lakas sa gayong uri ng tunggalian, at mamatay din.

Pag-iisa sa kabila ng mga pagkakaiba.

Ito ang kailangan at hindi maiiwasang simulain sa pagbuo ng pambansang panitikan. Kailangang kilalanin ng Filipinong Pananaw ang mga umiiral na pagkakaiba sa isa’t isa ng mga bahagi ng bansa sa kasalukuyan. Ang mga pagkakaibang ito ang kailangang suriin at isanib sa pagbuo ng anumang katangiang pambansa. Kaiba ito sa maaaring nagaganap ngayong simbuyo na pinag-aaralan ang mga pagkakaiba upang sikilin at supilin ang bawat isa tungo sa pagpapairal ng isang napili’t nangingibabaw na katangian bilang pambansa. Tandaan na ang Filipinong Pananaw ay hindi nakahulma sa isang matagal nang pangarap na bansa, halimbawa, ang pangarap na Filipinas ni Rizal o Katagalugan ni Bonifacio noong magtatapos ang ika-19 dantaon. Dahil sa mga pangyayari nitong ika-20 dantaon, tiyakang nagbago na o nagkaroon ng modipikasyon ang Filipinong Pananaw na nagpasiklab sa Himagsikang 1896. Sa kabilang dako, ang panukala kong Filipinong Pananaw ay nagmimithi ng isang hakang pangarap na Filipinas. Hakang pangarap, sapagkat kailangan pang pagtibayin ng mga saliksik at kasalukuyan pang binubuo. May tiyak at sarili itong teritoryo’t pamahalaan alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyong 1987 kaya’t hindi ito isang kathang isip lamang. Subalit hindi garantiya ang lahat ng batas at kahit ang opisyal na mga patakarang pang-edukasyon at pangkultura upang mapagsandigan ng isang kanais-nais na Filipinong Pananaw. Sa halip, kailangan pa nitong ganap na bumukad mula sa nagkakaisa’t kusang pagsisikap natin ngayon. Samakatwid, ipinapahiwatig din ng aking panukalang Filipinong Pananaw na kailangang litisin, kung hindi man nangangailangan ng malalimang pagwawasto, kung anuman iyong tinatawag ngayong “Filipinong Pananaw.”

May dalawang karaniwang patibong para sa kasalukuyang “Filipinong Pananaw.”

Unang patibong ang tinatawag na “nasyonalismong barong tagalog.” Sa isang banda, ipinamamalas ito at nagwawakas nga sa pagsusuot ng barong tagalog kapag may mga pagdiriwang na gaya ng Araw ng Kalayaan, Araw ng Kagitingan, Linggo ng Wika, at katulad. Ngunit maaari itong maging balatkayo ng mga buktot na opisyal ng pamahalaan, magdarayang negosyante, at mga maka-Amerikano. Nagsusuot sila ng barong tagalog, lalo ngayong nauso ang kasuotang ito para sa mga pormal na okasyon, subalit malayo sa pagmamahal sa bayan ang kanilang kaisipan at gawain. Nagsusuot ngayon ng barong tagalog kahit ang mga lantarang ahente at tagapagtanggol ng Amerikanisasyon. Sa kabilang banda, nagiging palatandaan naman ito ng makitid na pagkatanto sa kabuluhan ng nasyonalismo. May dalisay mang pag-ibig sa bayan, ang pagdalumat sa nasyonalismo ng mga nasyonalistang barong tagalog ay maaaring nakapiit naman sa mga sinaunang halagahang folklorista, purista, at natibista. Dahil dito, nahihirapan silang sumunod sa nagbabago o nasususugang pagbuo sa hakang pangarap na Filipinas. Malimit pang nakikipagtunggali sila hinggil sa mga usaping matagal nang dapat ibinaon sa limot o wala namang maaaring maging wakas, halimbawa’y kung sino ang mas dakila kina Rizal at Bonifacio o kung alin ang dapat maging Pambansang Sayaw.

Ikalawang patibong ang “nasyonalismong ekonomista.” Isang malubhang bisa ito ng labis na pagkahibang hinggil sa kaunlarang pangkabuhayan ng Filipinas. Kahit nagsimula sa isang tunay na malasakit sa kapakanan ng lipunan at ng bawat mamamayan, madali itong mahikayat tungo sa purong mga patakarang ekonomista alang-alang sa pambansang kaunlaran. Maaari nitong ipagbili o isakripisyo ang pambansang dangal hangga’t makapagpapasok ito ng dagdag at kailangang piso tungo sa pagsigla ng ekonomiya. Tahasang papanigan nito ang halimbawa’y pagbabalik ng mga base militar ng Kano, sapilitang pagtuturo ng Ingles sa lahat ng antas ng paaralan, pagbebenta ng mga likas na yaman sa mga dayuhan, at katulad, kung inaakalang makapagdudulot ito ng dagdag na trabaho at makatutulong sa ating paglahok sa “globalisasyon.” Wala itong interes sa pangangalaga ng Pambansang Pamana dahil isang adahikaing magastos at malaking aksaya sa talino’t oras ng mga edukadong higit na dapat mag-isip hinggil sa pagpapalago ng negosyo.

Malaking sagabal ang ganitong mga “Filipinong Pananaw” sa pagbuo ng haka kong pangarap na Filipinas.

Sa aking hakang Filipinong Pananaw, kailangan ang pagpapalaya ng isip at damdamin mula sa nasyonalismong barong tagalog at nasyonalismong ekonomista. Inuudyukan ng Filipinong Pananaw ang kamalayan upang igpawan ang mga nakamihasnang ugaling probinsiyal o rehiyonal at upang higit tayong makapagpahalaga sa mga bagay na mula sa ibang probinsiya at rehiyon. Nangangahulugan ito ng maraming pagbabago. Halimbawa, mga pagbabago kahit sa nilalaman ng panitikan sa mga aklat na ginagamit sa paaralan.

Kung susuriin, at kapag pinag-usapan ang kasalukuyang kalagayan ng Filipinas, malaking porsiyento ng mga akdang nakapahiyas bilang panitikan sa mga aklat pampaaralan ay pumapaksa sa mga karanasang panlungsod at pangnayon. Sa panlungsod, nagaganap ang akda sa Metro Manila o sa isang tipikong modernong siyudad sa Filipinas. Sa pangnayon, napakalaking bilang ng mga akda ang tumatalakay sa buhay ng mga pamilya sa pook na agrikultural. Hindi gaanong suliranin ang representasyon ng buhay lungsod dahil halos magkakahawig naman ang mga lungsod sa Filipinas bilang mga sentro ng makabagong komersiyo at teknolohiya. Gayunman, maraming lungsod sa Filipinas ang maaaring mas mababa kaysa Metro Manila at Cebu ang tindi ng polusyon, trapik, konsumerismo, at dayuhang negosyo. Higit na malaking problema ang pagtatanghal sa buhay nayon. Dominado ang mga aklat panturo ng mga akdang sinulat ng mga Tagalog at lumaki sa Gitnang Luzon at Katimugang Tagalog. Sa gayon, nangingibabaw ang mga problemang pansakahan sa naturang mga akda. Gayunman, alam natin na may naiibang katangian kahit ang problemang pansakahan sa Negros o sa Ilocos. O kaya, naiiba ang sitwasyon sa mga bukirin ng kapatagan kung ihahambing sa pagsasaka ng mga kaingero sa Sierra Madre at Mindoro. Nakatuon din ang maraming akda sa mga magsasaka ng palay. Subalit paano ang mga sakada sa plantasyon ng tubó sa Tarlac at Negros? Ang mga nagtatanim ng mais sa Bisayas at Mindanao? Ang mga nagtatrabaho sa mga niyugan sa Bikol at Samar-Leyte? Ang mga nagtatanim ng pakwan sa pinak ng Pampangga at nagtatanim ng sibuyas, bawang, at kamatis sa Nueva Ecija at Ilocos Norte? Ang mga nagtatanim ng repolyo at ibang gulay sa Trinidad Valley at Laguna?

Ang ibig kong sabihin, bilang isang bansang agrikultural, marami’t masalimuot ang karanasang Filipino hinggil sa pagsasaka at hindi ito kailangang maging limitado sa pagtatanim ng palay. Kaugnay nito, malaking porsiyento rin ng populasyon ang umaasa sa pangingisda. Naliligid ng tubigan ang ating kapuluan, subalit bakit kakaunti ang kuwento natin hinggil sa pakikipagsapalaran ng mga mangingisda? Bakit kakaunti ang engkuwentro natin sa tubigan? May tákot ba sa tubig ang ating mga manunulat o dahil pawang mga anak ng magsasaka ang ating mga kuwentista?

Ang reklamo hinggil sa “Imperial Manila” ay maaaring dulot din ng pangyayari na dominado ng panitikang sinulat ng mga taga-Metro Manila at karatig-lalawigan ang mga akdang nasa mga teksbuk ngayon. Sa gayon, hindi nabibigyan ng angkop at karampatang espasyo ang maraming makabuluhan—at marahil, higit pang makulay— na karanasang pambansa. Aba, hanggang ngayon ay hindi ko nakakaengkuwentro ang duryan at rambutan sa mga katha! Nawawala ang ating mga pangkating lumad at para bang ang buong Filipinas ay naging Kristiyano nga pagkatapos ng kolonyalismong Espanyol. Hindi naitatanghal ang mga tensiyong dulot ng Islam sa Marawi, Basilan, o Tawi-Tawi. Bukod sa maririkit na postkard at malalagim na balita hinggil sa bagyo, ano ba ang alam natin sa lungkot o ligaya ng mga Ivatan sa Batanes? Ano ba ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa industriya ng tuna sa GenSan? Sino ba ang namamahala sa pagmimina ng ginto sa Diwalwal? Ano ang mangyayari sa dugong, butanding, at malmag kung wala nang dumating na turista? Paano kung santaong mag-alburoto ang Bulkang Mayon?

Anung dami pang dapat sulatin upang mapairal ang Filipinong Pananaw sa pagsulat, pagtuturo, at pag-aaral ng panitikang pambansa ng Filipinas. Subalit kailangan nating gawin upang matupad ang mahigit sansiglo’t kalahati nang pangarap ni Balagtas noon na dumalaw sa “lansangan at nayon” ng sariling bayan.

Ferndale Homes
8 Setyembre 2006

Leave a comment