Ibangon ang Dangal ng Lahi

Oktubre 6, 2008 | Lectures

(Talumpating pagtanggap sa Gawad Tanging Dangal ng Lipi sa Malolos, Bulacan, 14 Setyembre 2008)

ni Virgilio S. Almario

MAY BAGONG ESTATWA kami sa U.P. Likha ng kaibigan kong si National Artist Napoleon Abueva. Isang babaeng hubo’t hubad at kapatid daw o asawa ni “Oblation.” “Magdangal” ang pangalan niya. At ako ang nagpangalan sa kaniya.

Nitong 26 Pebrero 2008, inimbita ako ni Billy sa bahay-talyer niya sa Tandang Sora. May bago raw siyang likha at nais niyang tulungan ko siyang pangalanan ito. Ibig daw niyang Filipino ang pangalan. Pagkakíta ko sa higantang estatwa, inusisa ko ang gusto niyang palitawin. Gusto daw niyang magpakíta ng pag-asa—ang kakayahan ng bayang umahon mula sa lusak ng korupsiyon, malubhang takaw, at kawalang-malasakit. Hindi ako nagtagal sa pag-iisip ng angkop na pangalan. “Magdangal,” mungkahi ko. Pumayag siya at pinag-usapan namin ang kahulugan ng pangalan at ng estatwa. Sa gabing iyon, iginawa ko pa ito ng isang dalit at ipinadalá ko sa kaniya kinabukasan. Tuwang-tuwa si Billy. Ilalagay daw sa isang plake at ipaplakda sa paanan ng estatwa. Bakâ daw puwede ko ring isulat ng paliwanag ang maikli kong tula. Pinagbigyan ko siya at ganito ngayon ang kumalat na polyeto hinggil sa estatwa.

Magdangal is a new sculptural piece by National Artist Napoleon Abueva for the U.P. Centennial Year. It celebrates the great national will to free itself from the shackles of history and create a new horizon of hope. It portrays a robust diwata, resplendent with recovered pride (dangal), emerging out of the swirling perilous sea of greed, corruption, and apathy, one hand clenched for combat and another open to care, and eyes fiercely and steadily gazing at the future. The militant stance and indomitable spirit of Abueva’s Magdangal is in allegorical opposition to the lachrymal mater dolorosa and traditional dalagang bukid. The title, in verb form, indicates continuing action or a vision of unrelenting struggle until after national pride (pambansang dangal) is completely restored. A poem of homage by National Artist Virgilio S. Almario a.k.a. Rio Alma is inscribed at the base of the statue, also entitled “Magdangal”:

Magbangon ka, aking Mutya,
Mula dagat ng dalita;
Pairalin mo sa lupa
Ang tarong, ragsak, at laya.

It is written in the ancient native dalit, a poem of four lines with eight syllables in each line. The poet calls on his beloved Mutya—the native word for the precious pearl—to rise from the sea of sorrows and bless the land anew. The last line hints at the desired state of life for the Filipinos, expressed through an aggregate of words chosen from Philippine languages. “Tarong” is a Bisayan word for straight and the root of the Filipino word “katarungan” for justice; “ragsak” is an Ilokano word for joy, bliss, and grace; “laya” is a Tagalog word which was born at the time of the Filipino struggle for freedom from colonial rule towards the end of the 19th century.

Pormal naming itinanghal si “Magdangal” nitong 8 Agosto 2008 sa harap ng bagong gusali ng CAL. Ilang araw lamang, narinig kong “Jolens” ang tawag ng mga estudyante sa bantayog. “Jolens”? Dahil pala sa pop star na si Jolina Magdangal, na siguro’y hinliliit lamang ni “Magdangal” ang katawan.

Naglahong Dangal ng Filipino

PARANG PINAGTIYAP NAMANG binibigyan ako ngayon ng Bulacan ng Gawad Tanging Dangal ng Lipi. May pagkakataon akong ipaliwanag kung bakit itinuturing kong napakahalaga para sa kapakanang pambansa ng pagbabangon sa “dangal ng lahi.” Magsimula táyo sa pinakamatandang nakasulat na depinisyon ng dangal sa bokabularyo ni Fray Francisco de San Antonio, O.F.M. Nakasaad sa pahina 81 ng bagong edisyon ng kaniyang Vocabulario Tagalo (1624):

DANGAL-1. pc. Cualquier buena suerte, fortuna, oficio ó dignidad, ó traza, ó obra, de que otros saquen provecho, y el alabado, es “dangal niyá”. Irinarangal: ser afamado en presencia de otros, sobre todos los demás. Nagpaparangal: querer ser alabado con sus obras, ó con las de otro. Ipinagparangal: aquéllo en que quiere ser.

Kung babasáhin ngayon, tinutukoy na dangal ang anumang nagdudulot ng magandang kapalaran sa isang tao. Ngunit higit na mahalaga, ito ang salik sa katauhan ng tao na nagdudulot sa kaniya ng mataas na pagtingin at paggálang sa sarili at ang saligan ng mataas ding pagtingin at paggálang sa kaniya ng kapuwa tao. Ang salik na ito ang nawawala sa atin kahit nagsasarili. Nawawala ang kakatubong pagdangal natin sa ating sarili bílang Filipino at nagiging malaking hadlang ito sa pagkakaisa, malikhaing paggamit ng talino, pagsisikap upang umunlad, at iba pang pambansang gampanin.

Tulad ng mga kalayaan at karapatang pantao, katutubo sa isang lahi ang dangal. Ngunit winasak ito ng mahabàng kolonyalismong Espanyol at dinurog pa ng pananakop na Amerikano. Ito ang pinakamabigat na krimen ng kolonyalismo sa alinmang sinakop na bansa sa Afrika, Amerika, at Asia. Bukod sa pagsimot sa yaman at pagsupil sa malayang espiritu ng sakop, sistematikong binubura o inaalis ng kolonyalismo ang anumang marangal na gunita ng sakop, pinapalitan ng hiram, at isinasailalim sa edukasyong nagdidiin sa imperyoridad ng sakop at ng superyoridad ng mananakop. Ang isang lahi na walang marangal na gunita hinggil sa sarili ay isang lahing madalîng alipinin at patuloy na may isip-alipin kahit bigyan ng kalayaan.

Kayâ anong uri ng pag-iisip mayroon táyo ngayon? Watak-watak, sapagkat pinapaniwala táyo ng mga mananakop na mahirap táyong magkaisa, sapagkat lubhang magkakaiba ang ating kasaysayan at kultura. Sa kabilâng dako, wala táyong pagpapahalaga sa anumang sarili nating kultura sapagkat pinapaniwala din táyo ng mga mananakop na walang kuwenta at nakaiwanan na ng panahon ang sarili nating pamana. Kapalit ng pagmamahal sa sarili, lubha táyong inaakit ng makabago’t superyor na produkto’t kaalamang ipinagbibili sa atin ng mga dayuhan. Nagpapakahirap magtrabaho o nagnanakaw o nagsasamantala sa tungkulin ang karaniwang Filipino upang makabili ng inaangkat na kotse’t ibang modernong kasangkapan, makapaglibot sa New York o Paris, magsuot ng usong damit at alahas sa Europa, o kahit paano’y makakain ng hamburger o pizza.

Kultura ng Kagitingan

NOON PA’Y BATID NA nina Bonifacio at Jacinto ang korupsiyon at distorsiyong nagaganap sa halagahang Filipino bunga ng matagal na kolonyalismo. Isa at panghuli sa mga aral ng Katipunan ang sumusunod:

Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagka-paring KAHALILI NG DIYOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay na mahal na tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaon di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

Malinaw sa isang Katipunero na ang Himagsikang Filipino ay hindi lamang pagpapatalsik sa dayuhang mananakop. Higit itong nangangahulugan ng tinatawag noon pa ni Mabini na “rebolusyong panloob,” na nangangailangan ng reedukasyon ng bawat Filipino upang masawata o maalis ang itinanim na mga malîng halagahan sa panahon ng kolonyalismo, gaya ng pagsandig sa lakas at kapangyarihang materyal, pagsamba sa matangos ang ilong at maputi, at pagkakamal ng salapi. Kapalit ng mga ito, ipinangangaral ng KKK ang dangal at puri ng isang may magandang asal, may isang salita, hindi nang-aapi at hindi naman napaaapi, at higit sa lahat may matinding pagmamahal sa sariling bayan.

Ang buong pagbabago sa katauhan ng Filipino ay nakatuon sa pagbabalik ng dangal—ng wastong paggalang sa sarili at mataas na pagkilala sa katutubong kakayahang mabuhay mag-isa at umunlad. Ngunit ang ang pananalig sa sariling dangal ay may kaakibat na diwa ng kagitingan. Hindi ito gawaing nag-iisa ng bawat indibidwal. Gawain itong dapat lahukan ng bawat mamamayan at magkakatulong. Gawain itong sinusukat, sa wakas, alinsunod sa idinudulot nitong benepisyo o paglilingkod sa kapakanan ng bayan at ng buong sambayanan.

Ang pagmamahal sa sariling pagkatao at paggalang sa sarili ay dapat kilalaning bahagi ng pagmamahal sa bayan. Ang pagsisikap umunlad ng isang tao ay dapat iugnay sa pagsulong ng buhay ng iba. Anumang isipin, balakin, ipahayag, at isagawa ay nakasalig sa pangkalahatang tungkulin sa ating bansa. Ang pagbabangon ng dangal ay isang hakbang lamang tungo sa paglinang at pakikilahok sa kultura ng kagitingan.

Ano ang kultura ng kagitingan?

Bagaman hindi ganap ang kapayapaan sa buong kapuluan at maraming dapat gawing kolektibong pagkilos para sa mga kailangang repormang pampolitika’t panlipunan, hindi ito panahon para sa mga bayani ng digma’t himagsikan. Hindi rin kailangang maging martir at preso tayo upang makaambag sa pagbabago. Higit nating kailangan ang mga bayani ng pang-araw-araw na buhay Filipino. Ang mga guro na nagsisikap humubog ng kapaki-pakinabang at malikhaing mamamayan sa paaralan. Ang mga kabataan na nagbubuhos ng talino’t kakayahan upang maging totoong pag-asa ng bayan. Ang mga empleado ng gobyerno na isinasangkot ang sarili sa paglilingkod sa karaniwang taumbayan. Ang mga alagad ng batas na nangangalaga sa kapayapaan at kaayusan. Ang mga lider na nag-iisip ng mga paraan upang higit na umunlad at guminhawa ang buhay ng bawat mamamayan. Ang mga manunulat na tumutula’t kumakatha ukol sa ikadadakila ng ating bayan.Sa maikling salita, kumikilos at nagtatrabaho ang bawat isang mamamayan hindi lamang alang-alang sa sarili o sa sariling pamilya kundi alang-alang sa kapakanan ng iba, ng mga kababayan.

Ito ang diwa ng kultura ng kagitingan.

3 komento

  1. jobert

    very nice!!!!! hope u make a talumpati expressed in filipino about kakayahan ng mga kabataan sa ibat ibang larangan

  2. jobert

    keep it up!!!!! please do it!!!!!will you? hope i meet you you are excellent!!!!!!!!!!!!

  3. jannica

    ..marami po kayong na-inspired na kabataan katulad ko.. nawa’y ipagpatuloy nyo pa po ang pagmulat sa mga mata ng kabataan.

Mag-iwan ng komento