(Talumpati para sa kumperensiyang Ambagan, 5 Marso 2009, Pulungang Recto, Faculty Center, UP Diliman)
ni Virgilio S. Almario
(TSIKA: Ang ating kumperensiya ngayon ay isang patunay na maraming mahalagang gawain tayong nakakalimutan para sa Wikang Pambansa. Sinasabi sa Seksiyong 6, Artikulo XIV ng Konstitusyong 1987 na: “Ang pambansang wika ng Filipinas ay Filipino. Habang ito ay nabubuo, patuloy itong pauunlarin batay sa mga umiiral na wika sa Filipinas at iba pang wika.” Ano ang ginagawa natin para paunlarin ang ating wika? Kung pagbabatayan ang Sawikaan ng FIT nitong nakaraang limang taon, puro Ingles at imbentong wika ng bakla ang pumapasok ngayon sa ating kamalayan. Idiniin ng Konstitusyon ang pagpapayaman sa pamamagitan ng “mga umiiral na wika sa Filipinas”—na palagay ko’y nangangahulugang ang mga katutubong wika ng ating bansa—ngunit mukhang ipinababahala natin sa Diyos ang tungkuling ito. Na hindi mangyayari. Kaya’t napakahalaga ng Ambagan upang magising tayo sa malaking hamon sa atin ng Konstitusyon at siya namang dapat gawin upang higit na maging totoong “pambansa” ang ating wika. “Pambansa” sapagkat kumukuha ng lakas sa mga katutubong wika ng bansa.)
ISANG MAHALAGANG GAWAIN para sa Wikang Pambansa ang pagbuo mismo ng kasaysayan nito. Hanggang ngayon, wala tayong mapagkakatiwalaang kasaysayan hinggil sa naging saligan ng simula at mga mohon ng pag-unlad ng Filipino. Kaya walang sanggunian ang mga guro’t estudyante kahit halimbawa sa pagkakaiba ng Pilipino at Filipino. Wala ring maibigay na wastong paliwanag hinggil sa pagpili ng Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. At lalo, walang magamit upang ipagtanggol ang Filipino sa mga kaaway ng Wikang Pambansa.
Kapag tinanong ngayon ang isang ordinaryong guro: Sino ang mga arkitekto ng Wikang Pambansa? Baka walang maisagot kung hindi si Lope K. Santos. O si Pangulong Manuel L. Quezon. Iyon lamang.
Continue reading…
(Talumpati para sa pagtanggap ng doktoradong honoris causa sa University of Regina Carmeli, Lungsod Malolos, 22 Marso 2009)
ni Virgilio S. Almario
ISANG PABORITO KONG parabula ang mula sa matandang Mathnawi na sinulat ni Rumi (AD 1207-73) at itinuturing na tila Koran ng mga Persa. Ganito ang nabása kong salin sa Ingles:
Isang gramatiko ang sumakay ng bangka. Sapagkat palalo, bumaling siya sa bangkero at nagwika, “Nakapag-aral ka ba ng gramatika?” “Hindi po,” sagot ng bangkero. Wika ng una, “Kalahati ng buhay mo ang nawala.”
Nabiyak ang puso ng bangkero sa lumbay, ngunit nagpigil sa pagsagot.
Tinangay ng hangin ang bangka sa isang uliuli. Sigaw ng bangkero sa gramatiko, “Magsabi ka ng totoo, marunong ka bang lumangoy?” “Hindi,” sagot ng gramatiko, “O, mahinahon, makisig na ginoo!”
“Ay, gramatiko,” wika ng bangkero, “Buong buhay mo ang mawawala, dahil lulubog ang bangka sa uliuling ito.”1
Nakarating sa Filipinas noong panahon ng pananakop na Espanyol ang kuwentong ito. Patunay ang tatlong bersiyong kasáma sa dalawang magkahiwalay na antolohiya ng awiting-bayan nina Felixberto C. Sta. Maria2 at Damiana Eugenio.3 Dalawa sa mga bersiyon ang Tagalog at isa ang Kapampangan. Higit na maikli at narito ang isang bersiyong Tagalog na pinamagatang “Ang Batsilyer”: Continue reading…